July 23, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

14-anyos na model-content creator, pumalag sa minalisyang video kasama si Wally Bayola

14-anyos na model-content creator, pumalag sa minalisyang video kasama si Wally Bayola
Photo courtesy: Sofia Alizee Schafers (FB)

Hindi pinalampas ng 14-anyos na modelo at content creator na si Sofia Alizee Schafers, na mas kilala online bilang “Ilokanang Tisay,” ang mga malisyosong komento ng ilang netizen matapos niyang magbahagi ng isang shoutout video kasama ang comedian at “Eat Bulaga” host na si Wally Bayola.

Noong Hulyo 6, ibinahagi ni Sofia sa kaniyang social media accounts ang isang maikling video kung saan makikitang pumayag si Wally na magbigay ng mensahe para sa kaniyang followers.

Sa video, maririnig si Wally na hinihikayat ang publiko na suportahan ang batang content creator.

“Dabarkads, naku nakilala namin, napakabait na bata. I-follow n'yo po. Huwag n'yong kakalimutan, i-follow n'yo! Sofia Alizee. Follow, subscribe and everything!” ani Wally.

Gayunman, imbes na purong positibong reaksyon ang matanggap ng video, nakatanggap ito ng iba't ibang malisyosong komento mula sa ilang netizens na nag-uugnay kay Sofia sa mga kontrobersiyang kinasangkutan noon ng TV host.

Tsika at Intriga

Unexpectedly yours! Sen. Robin flinex si Joshua Garcia, pang-asar sa Kakampinks?

Dahil dito, agad na naglabas ng pahayag ang dalagitang content creator para sagutin ang mga negatibong komento.

“His reputation is not my responsibility. Sarili kong pangalan ang dala ko. Keep my name out of your assumptions,” ani Sofia.

Binigyang-diin din niya na menor de edad pa lamang siya at hindi niya maintindihan kung bakit may mga taong mabilis humusga nang walang sapat na kaalaman sa sitwasyon.

“Just to remind you all that I am only 14 yrs old! and the comments are like… Wow really? Some of y’all are way too comfortable judging people without knowing the facts. I’m not even related to this guy, so stop making assumptions,” saad niya.

May mensahe rin siya para sa mga patuloy na nag-iiwan ng mapanirang komento sa kanyang post.

“If you can’t be respectful, at least be quiet. Kindness costs nothing, but ignorance is expensive.”

Sa kabila ng mga natatanggap na puna, nilinaw ni Sofia na wala siyang balak burahin ang video.

“Anyways, your opinion is noted. My video remains posted,” dagdag pa niya.

Samantala, ipinagtanggol din ng aspiring actress at content creator si Wally laban sa mga negatibong pahayag ng ilang netizens.

Ayon kay Sofia, naging mabait at maayos ang pakikitungo sa kaniya ng host at nagbigay pa ito ng mahalagang payo tungkol sa kanyang kinabukasan.

“Actually, Sir Wally is so nice to me. He even told me na kahit mag-artista ako, wag ko daw i-give up ang studies ko. My biggest achievement will be my diploma at education ko. Tapos kayo puro kayo intriga at bash. Hay naku,” komento niya.

Matatandaang naging kontrobersiyal si Wally noong 2013 matapos kumalat sa social media ang umano'y sex video nila ng isa sa mga miyembro ng "EB Babes" na si EB Babe Yosh.

Ang EB Babes ay sumikat na dancers ng noontime show na "Eat Bulaga" noong nasa GMA Network pa ito, at nasa ilalim pa ng TAPE, Inc.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Wally tungkol sa isyu.