Namatay ang isang rider matapos maiulat na sumalpok ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa barrier na nakalagay sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Ylanan, Quezon City.
Batay sa pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Sabado, Hulyo 11, ang nasawing motorista ay isa sa mga naitala nilang mga aksidente sa Metro Manila simula noong Biyernes, Hulyo 10.
Ang mga aksidenteng ito ay ang mga sumusunod:
- Isa pang sasakyang bumangga sa barrier sa EDSA,MCU Monumento
- Side-swipe collision ng dalawang sasakyan sa C-5 Green Meadows.
- Dalawang sasakyan na magkahiwalay na bumangga sa bike lane separators, sa EDSA Ortigas Service Road at EDSA Aguinaldo Gate 3.
- Banggaan ng isang truck at isang pickup sa Roxas Boulevard.
- Multiple collision ng tatlong sasakyan sa EDSA, D. Arellano St., Caloocan City.
- Banggaan ng dalawang motorsiklo sa EDSA, Camp Aguinaldo.
- Pagkawala ng kontrol ng isang rider at pagsemplang nito sa kahabaan ng EDSA-Garcia.
- Pagkawala ng kontol ng isa pang rider at pagsemplang nito sa C-5 Bagong Ilog matapos dumaan sa lubak.
- Pagbangga ng isang motorsiklo sa concrete barrier sa EDSA, Monumento.
Dahil sa mga aksidenteng ito ngayong panahon ng tag-ulan dulot ng habagat, ipinapaalala ng MMDA sa mga motorista na magdahan-dahan sa pagmamaneho upang panatilihin ang ligtas na distansya sa ibang sasakyan at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang isang sasakyan bago bumiyahe sa daan.