Posibleng magkahalong galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ang nakaamba sa susunod na linggo matapos ang naitalang panibagong pagtaas sa diesel habang maaari namang makaranas ng bahagyang rollback o pagtaas ang gasolina, ayon sa pagtataya ng source industry.
Batay sa trading ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange averages mula Hulyo 6 hanggang Hulyo 10, inaasahang tataas ang presyo ng diesel ng humigit-kumulang ₱2.50 hanggang ₱ 4.50 kada litro.
Samantala, maaaring makaranas ng rollback ang gasolina ng hanggang ₱1.25 kada litro o kaya naman ay bahagyang pagtaas na aabot sa ₱ 0.75 kada litro depende sa magiging galaw ng merkado bago ipatupad ang bagong presyo.
Posible ring tumaas ang presyo ng kerosene ng nasa ₱ 2.20 hanggang ₱ 4.20 kada litro, ayon sa hiwalay na pagtataya ng mga industry observer.
Ayon sa isang source sa industriya ng langis, patuloy ang pagtaas ng presyo ng diesel sa pandaigdigang merkado dahil sa lumalakas na demand at patuloy na pagbaba ng mga imbentaryo.
“Diesel and middle distillates prices have strengthened as inventories continue to fall amid rising global demand,” ayon sa tala ng MOPS.
Samantala, bahagyang humina naman ang presyo ng gasolina sa Asya bunsod ng inaasahang pagdami ng suplay mula sa China.
“Asian gasoline prices have weakened slightly as the market has priced in the prospect of an increase in prompt supply from China,” dagdag pa nito.
Nagbabala rin ang source na maaaring magpatuloy ang pabago-bagong galaw ng presyo ng langis dahil sa muling paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan na maaaring makaapekto sa pandaigdigang suplay ng krudo.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang kanilang price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad ito pagsapit ng Martes.