Umani ng reaksiyon, komento, at puna mula sa mga netizen, lalo na sa mga nasa academe world, ang pagsusuot ni Mariel Rodriguez-Padilla ng academic regalia matapos humalili sa kaniyang mister na si Sen. Robin Padilla bilang commencement speaker, noong Hunyo 26, 2026.
Batay sa Facebook post ng senador noong Hulyo 7, pinasalamatan niya ang Teodoro M. Luansing College of Rosario sa Batangas matapos siyang kuning commencement speaker para sa mga magtatapos na Criminology graduates.
Ginanap ang seremonya sa isang cultural and sports center sa Rosario, Batangas.
Pinasalamatan ni Sen. Robin ang misis na si Mariel sa paghalili sa kaniya sa pagbibigay ng commencement speech para sa mga magsisipagtapos.
"Maraming salamat sa aking mahal na asawa, sa paghalili at sa pagpapa-abot ng aking mensahe sa mga bagong Criminology graduates mula sa Teodoro M. Luansing College of Rosario. Saludo ako sa galing ninyong lahat!" mababasa sa post ng senador.
Kalakip ng post na ito ang ilang mga kuhang larawan kung saan makikitang nakasuot si Mariel ng academic regalia, gayundin ang opisyal ng paaralan.
Ibinahagi naman ng TV host ang social media post ng asawa.
Sa comment section ng post, marami sa mga netizen ang natuwang makita si Mariel na talaga namang gandang-ganda sa kaniya.
"Proud and salute to all."
"Sobrang ganda talaga ni Mariel, grabe."
"Gandaaaaa talaga ni Ma'am Mariel Padilla"
"Ako lang ba nakangiti pag nakita ko c mariel at naalala kung pano xa tumawa, at ang ganda talaga nya."
"Pretty Mariel Padilla"
Sa kabilang banda, isang netizen ang nagtanong kung bakit nakasuot ng doctoral regalia si Mariel.
Isinusuot kasi ang doctoral regalia kapag doctorate degree holder ang isang indibidwal. May simbolo rin ang bawat kulay at bahagi nito, batay sa natamong academic achievement, kaya hindi ito basta-basta isinusuot, lalo na sa isang graduation ceremony o commencement exercises na kagaya nito.
"Genuine question po. Why is she wearing a doctorate regalia? Does she hold a doctorate degree?" tanong ng isang netizen.
Segunda pa niya, "Hello ma'am Mariel Rodriguez Padilla. Can you please explain and enlighten us about your regalia?"
Isang netizen naman ang sumagot sa kaniya.
"Hindi.. wla po sia nian.. ewan ba sa kanya bat sia nagsuot ng ganyan."
Binanatan pa si Mariel ng iba pang netizens patungkol dito.
Direktang batikos ng isa, "hahaha kapal naman ng mukha mo madam para suotin ang toga ng doctorate degree kahit wala ka naman nun."
"Parang wala ng makuhang ibang guest speaker," okray naman ng isa.
Buwelta naman ng isa, "Cosplayer?"
"Mam question are you a PhD holder??? If not——-this is an insult to those who finished Doctoral Degrees. THE SCHOOL MUST BE CALLED OUT ON THIS. Kasi sa Commencement/Graduation, the speaker shall wear his/her highest academic degree obtained," direktang paninita-pagtatanong naman ng isa pa.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Mariel o maging ang pamunuan ng paaralan patungkol dito.