July 25, 2026

Home BALITA

Lalaking PWD, nasunugan ng bahay matapos tamaan ng 'ligaw na fireworks!'

Lalaking PWD, nasunugan ng bahay matapos tamaan ng 'ligaw na fireworks!'
Photo courtesy: Unsplash

Isang lalaki na may kapansanan at gumagamit ng prosthetic leg ang nawalan ng halos lahat ng kaniyang ari-arian matapos masunog ang kaniyang bahay dahil sa ligaw na paputok na tumama sa bintana ng kwarto niya.

Nangyari ang insidente matapos umanong magsindi ng ilegal na paputok ang ilang indibidwal malapit sa tahanan ni alyas, “Anthony” sa Garden Grove, California.

Hindi umano namalayan ng biktima na may paputok nang dumaan sa screen ng kaniyang bintana at bumagsak sa loob ng kaniyang kuwarto na siyang naging sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy.

“When I stepped into the room, out of my peripheral vision, I saw my closet on fire,” aniya sa panayam sa media.

Dahil sa mabilis na paglaki ng apoy, napilitan siyang agad lumikas mula sa bahay kahit hindi niya suot ang kaniyang prosthetic leg.

Probinsya

Bahay ni Torre, binaha: 'Maraming pamilya sa Davao City paulit-ulit na nalulubog sa baha taon-taon!'

“I did not have my prosthetic leg on,” aniya. “I got up and hopped up with my walker to my back bedroom.”

Matapos makalabas nang ligtas, saka lamang niya napagtantong naiwan niya sa loob ng bahay ang watawat ng militar na ginamit sa libing ng kaniyang ama, gayundin ang kaniyang prosthetic leg.

Agad namang rumesponde ang mga bumbero at nagawang mailigtas ang ilang mahahalagang gamit kabilang ang naturang watawat ng kaniyang ama.

Gayunman, karamihan sa kaniyang mga ari-arian ay tuluyang naabo kabilang ang mga lumang larawan ng pamilya, mga alaala at koleksiyon ng vintage arcade game consoles mula dekada 80 na matagal niyang inayos at ni-restore sa pamamagitan ng sariling pagsisikap.

Sinabi rin niya na matagal na siyang umaasa sa tulong ng kaniyang mga mahal sa buhay upang matustusan ang kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan.

Dahil wala rin siyang renter's insurance, nahaharap ngayon si Anthony sa malaking problema kung paano matutustusan ang pinsalang dulot ng sunog at ang kaniyang pansamantalang pananatili sa isang motel.