Nag-abiso ang Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes, Hulyo 10, 2026, na pansamantalang hindi nagamit ang ilang elevator at escalator sa mga istasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) dahil sa patuloy na nararanasang malakas na pag-ulan sa Metro Manila.
Batay sa inilabas na advisory ng DOTr-MRT-3, kabilang sa mga apektadong pasilidad ang northbound at southbound elevators at escalator sa mga istasyon ng GMA Kamuning, Buendia, at Magallanes.
Samantala, hindi rin nagamit ang northbound at southbound elevators sa Guadalupe at Boni stations, habang pansamantalang isinara rin ang northbound at southbound escalators sa Shaw Boulevard Station.
Pinayuhan ng pamunuan ng MRT-3 ang mga pasahero na maging mas maingat sa paggalaw sa loob ng mga apektadong istasyon, lalo na sa paggamit ng mga hagdan at iba pang pasilidad habang isinasagawa ang mga kinakailangang hakbang kaugnay ng masamang panahon.
Ayon sa DOTr, ipinatupad ang pansamantalang pagsasara ng mga elevator at escalator bilang pag-iingat sa gitna ng patuloy na malalakas na pag-ulan at upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter.
Humingi rin ng paumanhin ang ahensya sa abalang dulot nito sa mga pasahero.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na abiso ang MRT-3 kung kailan muling magiging operational ang mga apektadong pasilidad. Pinapayuhan ang publiko na bantayan ang mga susunod na anunsyo mula sa DOTr at MRT-3 para sa mga karagdagang update.