Nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente sa Carcar City, Cebu ang isang insidente kung saan hinabol ng isang 17-anyos na estudyante ng Alternative Learning System (ALS) ang dalawa niyang kaklase habang may dalang balisong sa labas ng Carcar City Central School.
Kumalat sa social media ang mga video ng naturang pangyayari kung saan makikitang naglalakad ang binatilyo habang may hawak na patalim na tinukoy ng mga saksi bilang isang balisong.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon muna ng alitan sa pagitan ng ilang estudyante bago naganap ang habulan.
Agad namang namagitan ang isang barangay tanod at nakumpiska ang dalang patalim ng menor de edad bago pa man may nasaktan sa insidente.
Ayon sa ina ng estudyante na kinilalang si "Alias May," matagal nang nakararanas umano ng pambu-bully ang kaniyang anak. Sinabi niyang lumabas lamang ang binatilyo upang bumili ng makakain nang umano'y sipain ito ng dalawa nitong kaklase na edad 18 at 19.
Inamin naman umano ng menor de edad na hinabol niya ang dalawa habang may dalang balisong dahil sa matinding galit matapos ang nangyari.
Ibinunyag din ng ina na mayroon nang naunang hindi pagkakaunawaan ang kaniyang anak at isa sa mga sangkot na estudyante noong nakaraang taon habang nagtatrabaho sila sa isang poultry farm.
Ayon sa Carcar City Police Station, sasailalim ang 17-anyos na estudyante sa intervention program ng Carcar City Social Welfare and Development Office habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente at sa posibleng pagkakasangkot ng dalawang mas nakatatandang estudyante.
Samantala, nangako naman ang alkalde ng Carcar City na maglalagay ng mga metal detector sa mga paaralan sa lungsod bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad sa mga campus.
Nanawagan din ang ina ng menor de edad sa publiko na itigil ang panghuhusga at pambabatikos sa kaniyang anak sa social media habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, wala namang naitalang nasugatan kaugnay ng insidente.