Nagbaba ang Department of Health (DOH) ng ilang paalala sa publiko hinggil sa pagiging protektado kontra sa ashfall na dulot ng pagputok ng bulkan.
Kaugnay ito sa pag-alburoto ng Bulkang Kanlaon nitong Huwebes, Hulyo 9, dakong 7:33 ng umaga, batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa paalala ng DOH, na ibinahagi nila sa kanilang Facebook page nito ring Huwebes, Hulyo 9, inisa-isa nila ang mga paraan kung paano mapo-proteksyunan ang sarili kontra ashfall.
Anang ahensya, “Kapag kailangang lumabas, gumamit ng face mask, proteksyon sa mata gaya ng safety goggles, at magsuot ng long sleeves at pantalon upang mabawasan ang pagkalantad sa abo.”
Pinaalalahanan din nila ang publiko na manatiling nakaalerto—partikular na ang nasa apektado at kalapit na lugar ng bulkan.
“Kung may ashfall, manatili sa loob ng bahay kung maaari at isara ang mga pinto at bintana,” saad ng DOH.
“Agad na magpakonsulta kung makaranas ng hirap sa paghinga, matinding ubo, iritasyon sa mata o balat, o iba pang sintomas,” dagdag pa nila.
Nakataas ang Bulkang Kanlaon sa Alert Level 2, base sa huling ulat ng PHIVOLCS.