Pormal nang nagsampa ng kasong cyber libel ang Office of the City Prosecutor ng Maynila laban kay dating Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga kaugnay ng isang Facebook post na inilathala niya noong Enero 2026.
Inihain ang kaso sa Manila Regional Trial Court matapos umano nitong maglabas ng pahayag sa kaniyang Facebook page na nag-uugnay sa ilang miyembro ng National Unity Party (NUP) sa umano'y pagtanggap ng suhol at partikular na pangalanan si Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano.
Batay sa mga dokumentong inihain sa korte, sinabi ng prosecution na malawak ang naging abot ng naturang post dahil ang Facebook page ni Barzaga ay may humigit-kumulang 1.9 milyong follower, dahilan upang mabilis itong kumalat at maibahagi pa ng iba't ibang online news platforms.
Dahil dito, sinampahan si Barzaga ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 kaugnay ng Articles 353 at 355 ng Revised Penal Code na tumutukoy sa krimen at sa kaparusahan nito.
Nagpasiya rin ang Office of the City Prosecutor na magrekomenda ng piyansang nagkakahalaga ng ₱10,000 para sa pansamantalang paglaya ni Barzaga habang dinidinig ang kaso sa hukuman.
Si Barzaga ay dating kinatawan ng ikaapat na distrito ng Cavite bago siya mapatalsik sa kanyang puwesto.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ng dating mambabatas kaugnay sa isinampang kaso laban sa kaniya.
Matatandaang noong Abril lamang nang unang nasupalpal ng cyber libel si Barzaga matapos siyang kasuhan ng business tycoon na si Enrique Razon.
Basahin: 'Two counts pa!' Enrique Razon, sinampolan ng cyber libel case si Rep. Barzaga