Tila napagod na ang award-winning actor na si John Arcilla kaugnay sa usapin ng korapsyon at nepotismo sa Pilipinas at pinayuhan niya ang mga henerasyon ng Millennials at Gen Z na baguhin ang susunod na sistema ng pamahalaan sa hinaharap.
Sa naging pahayag ni Arcilla sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Hulyo 8, 2026, sinabi niyang may karapatan daw ang lahat ng taumbayan na kuwestiyonin ang pananagutan at integridad laban sa lahat ng mga korap na opisyal ng pamahalaan.
Diin ni Arcilla, dapat daw matamo ng lahat ng taumbayan ang benepisyo ng “good governance” na nangangahulugang burado raw sana sa sistema ang korapsiyon at nepotismo.
Ani Arcilla, nasa kamay na raw ng mga Millennials at Gen Z ang kaligtasan ng Pilipinas mula sa mga manloloko at korap.
“Ito lang ang huli kong sasabihin. Mga Gen Z at Millenials: sa inyo na nakasalalay ang susunod na uri ng mga opisyal at pamahalaan na magkakaroon tayo,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Nasa inyo ang kaligtasan ng bansang Pilipinas sa mga kamay ng mga kurakot at manloloko.”
Buwelta ni Arcilla, isa raw ang Pilipinas sa pinakakorap na bansa sa buong mundo dahil daw sa paniniwala na lang daw ng marami na pare-parehas naman ang lahat ng politiko.
Giit niya, dapat daw na piliin ng Millennials at Gen Z ang pangarap nilang pamantayan na isang bansang hindi korap.
“Ang piliin ninyong pamantayan ng inyong pangarap ay ang mga bansang hindi korap. May mga bansang hindi korap, pag aralan ninyo at yun ang dapat nating pamantayan,” aniya.
Utos ni Arcilla, basagin daw ng naturang mga henerasyon ang hungkag na litanyang wala na raw pag-asa ang bayan dahil lang pare-parehong mga korap ang nasa pamahalaan.
“Basagin na ninyo ang mga hungkag na salita na ‘Wala [nang] pag asa ang bayan, at pare-pareho lang naman ang mga politiko’ Hanggat naniniwala kayo sa kaisipan na iyan, walang magbabago sa ating bansa. Tapos magsisisihan na naman tayo. Kayo ang pag-asa ng bayan,” payo niya.
“Pangarapin ninyo ang bayang malaya sa korupsiyon at magkakamag-anak na nakaupo,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Parang mga barbaro, taong yungib pa rin mag-isip!' John Arcilla, gigil sa mga bayolente sa aso