July 17, 2026

Home BALITA National

Aplasca, lagot sa grave misconduct at gross neglect of duty—Ombudsman

Aplasca, lagot sa grave misconduct at gross neglect of duty—Ombudsman
Photo courtesy: File Photo, MB

Inihayag sa publiko ng Office of the Ombudsman na may pananagutang administratibo umano si dating Sergeant-at-Arms P/MGEN (Ret) Mao Aplasca sa mga grave misconduct at gross neglect of duty kaugnay sa naganap na pagpapaputok nito ng baril sa loob ng Senado noong Mayo 13, 2026. 

Sa isinapublikong pahayag ng Ombudsman sa kanilang social media accounts, partikular sa “X”, nitong Martes, Hulyo 7, sinabi nilang “unjustified,” nagdulot ng paglagay sa panganib ng mga buhay, at lumabag si Aplasca mga tuntunin sa gampanin niya bilang Senate Sergeant-at-Arms na responsable raw sana sa pagtitiyak ng seguridad sa Senado. 

Matatandaan kasing ginulantang ang publiko at mga indibidwal na nasa loob ng Senado noong gabi ng Mayo 13 dahil sa umalingawngaw na magkakasunod na putok ng baril mula kina Aplasca sa hanay ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) laban sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI). 

Ayon sa reklamo umanong nakarating sa Ombudsman, nilabag daw ni Aplasca ang kaniyang tungkuling panatilihin ang kaligtasan sa Senado sa pamamagitan ng pagpapaputok niya ng baril kahit wala naman daw ipinakitang senyales ng karahasan ang mga ahente ng NBI. 

Inilagay daw ng kilos na ito ni Aplasca sa panganib ang mga kawani ng Senado, mga media, at iba pang mga sibilyan na nasa loob ng naturang lugar. 

National

Dizon sa 2019 SEA Games issue, 'off the hook' na nga ba kay NBI Dir Matibag?

Anang Ombudsman, nidepensa naman daw ni Aplasca ang kaniyang paniniwalang nakitaan daw niya ng panganib ang ilang mga armadong indibidwal kaya raw siya nagpaputok ng warning shots. 

Ani umano ni Aplasca, kumilos lamang daw siya batay sa Rules of Engagement for Threat Situations ng Senado at idiniin daw nitong maaaring may kaugnayan ang naunang naging mainit na rin na tensyon ng OSAA at NBI. 

Buwelta naman ng Ombudsman, wala raw silang nakitang kinaharap na panganib ni Aplasca at iba pang miyembro ng OSAA at malinaw raw na ang mga huli ang nagpasimula ng karahasan. 

“There is no actual, sudden, unexpected or imminent danger to Aplasca and the OSAA. If there was aggression, it was Aplasca who started the same,” anila. 

Depensa pa ng Ombudsman, nagpakilala na raw ang mga ahente ng NBI na nakaposisyon sa hallway na nag-uugnay sa palapag ng Government Service Insurance System (GSIS) bago pa man magpaputok si Aplasca. 

Diin ng Ombudsman, lumabas daw sa kanilang imbestigasyon na hindi inatake ng mga ahente ng NBI sina Aplasca at ang OSAA. 

Dagdag pa nila, lumabag din daw sina Aplasca sa panuntunan ng 2021 Revised Philippine National Police Operational Procedures na nagbibigay ng permisong magpaputok ng warning shots ang mga katulad nilang opisyal kung mahaharap sila sa sitwasyong “outnumbered”, “overpowered,” at malalagay sa malalang panganib. 

“The Ombudsman found that none of these conditions existed,” anila. 

Pagpapatuloy ng Ombudsman, dahil daw nakapagretiro na si Aplasca sa pagseserbisyo sa gobyerno, mauuwi sila sa desisyong pagpapataw ng parusa sa pamamagitan ng pagmumulta ni Aplasca ng kabuuan ng kaniyang isang taong suweldo, pagbabawas sa kaniyang retirement benefits, naipong mga leave credits, at iba pang maaaring matatanggap niya habang umiiral pa rin ang naturang parusa nila. 

“Since Aplasca had already retired from government service, the Decision provides that the penalty shall be converted into a fine equivalent to one year's salary, deductible from his retirement benefits, accrued leave credits, or other receivables, while the accessory penalties remain in effect,” pagtatapos nila.