July 10, 2026

Home BALITA Probinsya

PUJ driver na humarurot sa Marcos Highway, suspendido!

PUJ driver na humarurot sa Marcos Highway, suspendido!
Photo courtesy: LTO (FB screenshot)

Sinuspinde ang lisensya ng drayber ng isang jeep matapos itong makuhanang humaharurot at nagpapagewang-gewang sa kalagitnaan ng Marcos Highway, kahit na may mga pasaherong nakasabit sa likod nito. 

Batay sa pahayag ng Land Transportation Office (LTO) noong Sabado, Hulyo 4, ang drayber na nag-viral at ang may-ari o operator ng Public Utility Jeepney (PUJ) ay inoobliga nang humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO upang dumalo sa itinakdang pagdinig upang magsumite ng sinumpaang paliwanag. 

Kalakip nito ang mga kaukulang dokumento upang sagutin lahat ng alegasyong nakasaad sa show-cause order (SCO). 

Habang ang umaandar ang pagdinig sa kaso, isinailalim ng LTO sa 90-day preventive suspension ang lisensya ng drayber at inuutusan din itong agad na isuko sa IID ang kaniyang lisensya. 

“Hindi dapat isugal ang kaligtasan ng publiko para lamang makapagsakay ng mas maraming pasahero. Kailanman ay hindi  kinukunsinte ng LTO ang ganitong uri ng paglabag at titiyakin namin na agad papanagutin ang mga sangkot sa ganitong uri ng iresponsableng pagmamaneho at patuloy na lumalabag sa umiiral na regulasyon," ani LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.

Probinsya

8 paaralan sa Pampanga, nakatanggap ng bomb threat!

Pagsegunda naman ni Antipolo City Mayor Jun Andeng-Ynares sa isang pahayag noon ding Sabado, malaking bagay na nakuhanan ng video ang nasabing jeep at aniya, walang lugar ang mga ganitong pagmamaneho sa kalsada. 

“Mabuti na lang at nakuhanan ng video ang isang jeep na nagpagewang-gewang sa Marcos Highway sa Brgy. Mayamot habang may mga pasahero at mayroon pang nakasabit sa likuran. Walang lugar ang ganito sa mga kalsada,” saad ni Ynares. 

Aniya pa, mahalagang isaalang-alang na ang mga kadalasang pasaherong sakay ng jeep, na maaaring pauwi pa lamang mula sa trabaho o eskwela at may mga pamilyang naghihintay sa kanilang pag-uwi. 

Dahil dito, walang biyaheng mas mahalaga kaysa sa buhay ng tao. 

“Isipin natin ang mga sakay ng jeep na iyon—maaaring pauwi na sila mula sa trabaho o eskwela, at may mga pamilyang naghihintay sa kanilang makauwi nang ligtas. Walang biyahe ang mas mahalaga kaysa sa buhay ng tao,” ani Ynares. 

Kaya paalala niya sa mga drayber, maging disiplinado sa kanilang bawat pagbiyahe. 

“Paalala sa lahat ng ating mga driver: Responsibilidad nating tiyakin ang kaligtasan ng bawat pasahero sa bawat biyahe. Mag-ingat at maging disiplinado sa kalsada. Hindi biro ang buhay,” paalala ng alkalde.