Binalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista sa mga panganib na dulot ng pagmamaneho nang lasing matapos nilang iligtas ang isang 71-anyos na sports utility vehicle (SUV) driver na sumadsad sa creek.
Batay sa pahayag ng MMDA noong Sabado, Hulyo 4, ang nasabing SUV ay nahulog sa creek sa kanto ng G. Araneta at Del Monte sa Quezon City.
Sa ulat naman ng mga awtoridad sa Manila Bulletin, sinusubukan ng drayber na mag U-turn sa Del Monte Avenue intersection bandang 7:00 ng gabi nang mahulog ang minamaneho nitong SUV sa isang creek.
Kalaunan, lumabas na nagpositibo sa alcohol ang SUV driver, saad pa sa ulat ng mga awtoridad.
Dahil dito, ipinaalala ng MMDA sa mga motorista na ang pagmamaneho nang nakainom ay mapanganib din hindi lamang sa nakainom ngunit pati na rin sa buhay ng iba.
Sa kaugnay na ulat, ang drunk driving sa Pilipinas ay paglabag sa ilalim ng Republic Act No. 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.”
Ang mga kaparusahan dito ay ang mga sumusunod:
- Tatlong buwang pagkakakulong at parusang ₱20,000 hanggang ₱80,000 kung ang nagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alcohol ay hindi nagdulot ng anumang pagkasugat o pagkasawi.
- Parusang ₱100,000 hanggang ₱200,000 kung ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alcohol ay nagdulot ng pagkasugat.
- Kung nagdulot naman ito ng pagkasawi, ang drunk driving ay mayroong ₱300,000 hanggang ₱500,000 na parusa.