Pinatikim ng latigo ang dalawang magkasintahan naghalikan habang naka-live sa social media platform na TikTok.
Ang 22-anyos na lalaki at 25-anyos na babae ay inaresto noong Abril 2026, kasunod ng viral na live stream na ginawa nila noong Pebrero 27, kung saan makikitang naghahalikan sila habang nasa loob ng isang sasakyan sa Banda Aceh, Indonesia.
Batay sa desisyon ng hukuman, nahatulan ang dalawa ng tig-25 hampas ng yantok dahil sa paglabag sa batas Islamiko na nagbabawal sa hindi mag-asawang maghalikan. Gayunman, ibinaba ito sa tig-21 hampas dahil nakapaglaan na sila ng apat na buwan sa kulungan habang nililitis ang kaso.
Isinagawa ang parusa sa isang entablado sa Bustanussalatin City Park sa Banda Aceh sa harap ng mahigit 100 katao. Ang panlalatigo ay isinagawa ng mga opisyal na nakasuot ng robe at may takip ang mukha.
Iniutos din ng hukuman ang pagsamsam at pagsira sa cellphone at USB flash drive na naglalaman ng TikTok Live video na ginamit bilang ebidensya sa kaso.
Ang Aceh ang tanging lalawigan sa Indonesia na nagpapatupad ng bersyon ng Islamic sharia law matapos itong pahintulutan ng pambansang pamahalaan noong 2006 bilang bahagi ng kasunduang pangkapayapaan.
Noong 2015, pinalawak pa ang pagpapatupad ng batas upang masaklaw maging ang mga hindi Muslim na naninirahan sa lalawigan.
Sa ilalim ng umiiral na batas sa Aceh, maaaring patawan ng hanggang 100 hampas ng yantok ang mapatutunayang nagkasala sa mga moral offenses gaya ng pangangalunya at pakikipagtalik ng kaparehong kasarian.
Pinapatawan din ng kaparehong parusa ang mga sangkot sa ilegal na pagsusugal, pag-inom ng alak, at iba pang paglabag sa sharia law.
Samantala, apat pang indibidwal ang pinarusahan din ng panlalatigo sa harap ng publiko sa parehong araw dahil sa online gambling at pangangalunya.
Kinondena naman ng Amnesty International Indonesia ang naturang parusa at iginiit na ang ganoong klase ng parusa ay isang paglabag sa karapatang pantao dahil ito umano ay malupit, hindi makatao, at nakapipinsala sa dignidad ng tao.