Maituturing nang legal ang hiwalayan ng dating mag-asawang sina Jelai Andres at Jon Gutierrez, o mas kilala bilang “King Badger.”
Sa latest episode ng vlog ni Jelai noong Sabado, Hulyo 4, isiniwalat niya sa kaniyang mga kaibigan sa showbiz at kapuwa content creator na annulled na siya.
Kabilang sa mga ito sina Zeinab Harake, Rana Harake, Donnalyn Bartolome, Buboy Villar, Kokoy De Santos, at iba pa.
Dahil dito, hindi napigilan ni Jelai na maging emosyunal ngayong single na ulit siya.
“Masaya po ako kasi finally, officially, nawala na sa mundo ‘yong kasal. Pinakamahirap na pinagdaanan ng chapter ng buhay ko. Pero sobrang dami kong natutunan,” saad ni Jelai.
Sa ngayon, kontento raw siya na mag-isa siya sa buhay at walang kaaway kundi sarili lang.
Dagdag pa niya, “Nakakuha ako ng peace of mind. Hindi ako natakot kung ano ‘yong poproblemahin ko bukas; kung ano ‘yong mangyayari bukas; kung malungkot ba ako bukas. Hindi nangyari ‘yon. Naging masaya ako sa maliliit na bagay.”
Matatandaang 2018 nang ikasal sina Jelai at Jon na ginanap sa Fernwood Gardens sa Tagaytay City. Ngunit makalipas ang isang taon, nagkahiwalay sila.
Bagama’t muling nagkabalikan noong 2020, muli silang naghiwalay noong sumunod na taon dahil naulit na naman umano ang pangangaliwa at pananakit ni Jon.
Maki-Balita: Jon Gutierrez inireklamo ng ‘pangangaliwa,’ ‘pananakit’ ni Jelai Andres