Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga alegasyong nag-uugnay sa kaniya sa mga umano’y pagiging parte niya sa korapsyong nangyayari sa bansa, partikular na ang maanomalyang flood control projects.
Ayon sa Pangulo, wala umanong batayan ang mga alegasyon laban sa kaniya dahil siya mismo ang nanguna sa paglalantad ng mga umano'y anomalya sa nasabing proyekto na pinondohan ng pamahalaan.
"I am the one who exposed all of this, and I am the only one who has started to do anything about this. Bakit? Ang mga nakaraang pangulo, may nakita ba kayong ginawang ganoon? Mayroon ba silang kinulong? Mayroon ba silang na-freeze na account? Mayroon ba silang imbestigasyon na ginawa? Wala. Sa akin lang," ani Marcos sa panayam sa kaniya ng media noong Sabado, Hulyo 4, 2026.
Iginiit din ng Pangulo na taliwas sa mga paratang, wala siyang dahilan upang protektahan ang anumang iligal na gawain kung siya mismo ang nagpasimula ng mga imbestigasyon.
"Tapos sasabihin na ako ang may kagagawan. Kung talagang raket ko yun, bakit ko sisirain yung raket ko?" dagdag niya.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng mga panawagang alisin siya sa puwesto bunsod ng umano'y "selective justice" at sa mga kasong may kaugnayan sa korapsyon na nananatiling hindi pa nareresolba.
Samantala, muling iginiit ng Malacañang na nagpapatuloy ang kampanya ng administrasyon laban sa katiwalian at pananagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot sa iregularidad, anuman ang kanilang posisyon sa pamahalaan.
Matatandaang noong nakaraang State of the Nation Address ni PBBM noong Hulyo 2025 nang una niyang binanatan ang isyu ng malawakang pagbaha sa bansa bunsod umano ng nangyayaring korapsyon sa implementasyon ng flood control projects.
“Huwag na po tayong magkunwari, alam naman ng buong madla, na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, 'Mahiya naman kayo sa inyong kapuwa Pilipino!” ani PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'
Bunsod nito, doon na nagsimula mabugsakan ang isyu ng anomalya sa nasabing proyekto hanggang sa nalantad ang mga kontraktor at ilang politikong nakakatanggap umano ng kickback sa paggawa ng mga ito.