July 16, 2026

Home BALITA National

PCO Usec Castro, tinalakan ng ilang Pinoy protesters sa Canada; sigaw 'Marcos resign!'

PCO Usec Castro, tinalakan ng ilang Pinoy protesters sa Canada; sigaw 'Marcos resign!'
Photo courtesy: HYenne Tan (FB)

Usap-usapan ang pagkuyog at pang-iinsulto kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ng ilang mga Pilipinong nagsagawa ng kilos-protesta sa Vancouver, Canada laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Nangyari ang nabanggit na insidente noong Biyernes, Hulyo 3.

Makikita sa ibinahaging video ni "HYenne Tan" ang pagsunod ng ilang mga Pinoy kay Castro habang tinatalakan siya at sinasabihang "Anti Kler," "cry baby," "makapal ang mukha," "korap," "pangit," "sinungaling," "She's a liar," at "Please bring the money to the Filipino people."

Pinoprotesta ng mga Pinoy ang tungkol sa malawakang isyu ng korapsyon, lalo na sa maanomalyang flood control projects.

"Shame on you, Claire Castro!" maririnig na sigaw naman ng uploader na nagbahagi ng video.

National

Ridon sa defense sa pagbubukas ng tax records ni VP Sara: 'Kung takot... baka may tinatago!'

"Ang kapal ng mukha!" aniya pa.

Makikita naman sa video na tila dedma at kalmado lamang si Castro subalit lumapit siya sa ilang Canadian police.

Hindi naman nagpaawat ang ilang mga Pinoy at patuloy na nagprotesta sa harapan ni Castro habang naka-megaphone. Ilang protesters din ang may hawak na placard kung saan mababasa ang mga panawagang "Marcos Resign," "Marcos Resign! The biggest plunderer from tax payers," at iba pa.

Samantala, sa panayam sa kaniya ng media, sinabi ni Castro na tinatanggap niya ang freedom of expression ng mga nagprotesta, pero hindi naman daw kailangang maging bastos.

Gumagawa raw sila ng reels para sa naging pagbisita ng Pangulo sa Canada, hanggang sa lumapit daw ang Pinoy protesters.

"Ngumiti ako, tinanong niya kung ako si Usec Claire, sabi ko 'Yes,' at doon, sinasabi niya na, sumigaw na siya, 'You ask your President to resign!' So kinuyog na kami, samantalang kung tutuusin, kami nagtatrabaho. Hindi kami nagbabakasyon dito. We are just doing our job, pero nahinto 'yon," paliwanag ni Castro.

"Hindi na kami nakapagtapos ng aming shoot, ng reels, dahil nga may mga Pilipinong ganito yung ugali. Hindi ko alam kung saan sila grupo pero yung naratibo nila, yung tipong BBM resign. Yung naratibo nila ay maleta. Yung naratibo nila eh magnanakaw. "

'At sinabihan ako na pangit... at sinungaling, so noong sinabi nilang pangit daw ako, feeling ko sila yung sinungaling," giit pa niya.

"May mga ganiyang tao. May freedom of expression tayo pero hindi naman kailangang maging bastos. Pilipino kayo... hindi naman ganiyan ang ugali ng mga Pilipino eh," aniya pa.