Hinikayat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga drayber ng public utility vehicles (PUVs) na iwasang mag-vlog o kaya’y gumawa ng anumang social media content habang nagmamaneho sa daan.
Sa inilabas na pahayag ng LTFRB nitong Sabado, Hulyo 4, nagbabala si Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na ang paggawa ng mga ito ay paglabag sa Republic Act No. 10913 o ang “Anti-Distracted Driving Act,” na isinabatas upang maprotektahan ang publiko mula sa mga insidente ng banggaan sa daan dahil sa paggamit ng anumang mobile devices habang nagmamaneho.
Dahil dito, nanawagan si Mendoza na mga PUV drivers at operators na maging maagap sa pagsunod ng batas na ito upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero at ng iba pang gumagamit ng daan.
“We call on both the operators and drivers to be mindful of this law not only for the safety of all the people on board the PUV but also to all the other road users,” panawagan ni Mendoza.
Binanggit din sa pahayag ng ahensya na naglabas sila ng memorandum circular matapos ang pag-usbong ng vloggers at content creators na gumagawa ng kanilang social media contents habang nagmamaneho ng PUVs.
Kaya idinagdag din dito na sa pagkasa ng memorandum circular, ang PUV drivers na mahuhuling gumagawa ng vlogs at content ay papatawan ng ₱5,000 parusa.
“I appeal to our PUV operators and drivers to respect the law and rules and regulations on road safety. Let us all work together to ensure the protection and welfare of our drivers, passengers and all road users,” ani Mendoza.