Usap-usapan ang Facebook post ng direktor na si Darryl Yap matapos niyang maghayag ng paghahanap sa umano’y nanigaw at nagmura kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro habang nasa Canada.
Matatandaang nag-viral ang Facebook post ng isang netizen na nagngangalang "HYenne Tan" kung saan mapapanood ang pagsunod ng ilang mga Pinoy kay Castro habang tinatalakan siya at sinasabihang "Anti Kler," "cry baby," "makapal ang mukha," "korap," "pangit," "sinungaling," "She's a liar," at "Please bring the money to the Filipino people."
Panawagan ng mga raliyista ang pagbaba sa puwesto ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., dahil sa isyu ng talamak na korapsyon sa Pilipinas, lalo na sa maanomalyang flood control projects, at pagtanggap ng male-maletang pera ng ilang mga politiko.
Mababasa sa Facebook post ni Yap, "kung meron pong nakakakilala doon sa taong nagsisisigaw at pinagmumumura si Claire Castro sa Canada—pakisabi po, hinahanap ko siya, didisiplinahin ko ang GCASH nya."
Photo courtesy: Screenshot from Darryl Yap (FB)
Sa comment section, nag-iwan naman ng komento si Miss Q&A Season Grand Winner Juliana Parizcova Segovia, at sinakyan ang hirit ng direktor.
"Direk Darryl Yap gcash mo ko abangan ko si Ante Kler sa airport,sigawan ko din," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Juliana Parizcova (FB)
Si Castro ay tagapagsalita ng administrasyon at madalas na nakikita sa mga press briefing at pagtalakay sa mga isyung pampamahalaan, na "nakikipagbardagulan" din sa mga kritiko ni PBBM.
Samantala, nagbigay na rin ng reaksiyon at koemnto si Castro sa naging pagkuyog sa kaniya ng mga nabanggit na Pinoy protesters sa Canada.
Kuwento niya, gumagawa raw sila ng reels para sa naging pagbisita ng Pangulo sa Canada, hanggang sa lumapit daw ang Pinoy protesters.
"Ngumiti ako, tinanong niya kung ako si Usec Claire, sabi ko 'Yes,' at doon, sinasabi niya na, sumigaw na siya, 'You ask your President to resign!' So kinuyog na kami, samantalang kung tutuusin, kami nagtatrabaho. Hindi kami nagbabakasyon dito. We are just doing our job, pero nahinto 'yon," paliwanag ni Castro.
"Hindi na kami nakapagtapos ng aming shoot, ng reels, dahil nga may mga Pilipinong ganito yung ugali. Hindi ko alam kung saan sila grupo pero yung naratibo nila, yung tipong BBM resign. Yung naratibo nila ay maleta. Yung naratibo nila eh magnanakaw. "
"At sinabihan ako na pangit... at sinungaling, so noong sinabi nilang pangit daw ako, feeling ko sila yung sinungaling," giit pa niya.
Maki-Balita: 'Sila yung sinungaling!' Usec Castro, pumalag na sinabihang pangit at sinungaling pa
"May mga ganiyang tao. May freedom of expression tayo pero hindi naman kailangang maging bastos. Pilipino kayo... hindi naman ganiyan ang ugali ng mga Pilipino eh," aniya pa.
Maki-Balita: 'May freedom of expression tayo pero hindi kailangang maging bastos!'—Usec Castro
Natanong din si Castro kung na-threaten ba siya sa nangyari.
"Threatened? Siguro, in a way kasi dalawa lang kami, hindi ko alam kung mananakit sila or what, siguro yung iniidolo nila, sanay sa bayolente, yung pagiging bayolente," aniya.
Mabuti na lang daw at pagtawid nila sa kabilang kalsada, may mga Canadian police na madali nilang nilapitan.
"Kung ganiyan talaga ang magiging ugali ng mga Pilipino, hindi kayo uunlad, so kawawa pa rin kayo," ani Castro.
Maki-Balita: PCO Usec Castro, tinalakan ng ilang Pinoy protesters sa Canada; sigaw 'Marcos resign!'
Samantala, wala pang reaksiyon o komento si Castro sa naging hirit ng direktor.