Tumungo sa Saipan—na matatagpuan sa Northern Mariana Islands— ang dalawang storm chasers na sina Jordan Hall at Aaron Rigsby para sa Super Typhoon "Bavi," na mananalasa sa naturang lugar.
Ayon sa mga ulat, mananalasa ang super typhoon sa Guam at Northern Marianas sa loob ng 48 oras. Taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 259 kilometers per hour (161 miles per hour) at pagbugsong 314 kph (196 mph).
Kaya naman nagbigay-babala ang Joint Typhoon Warning Center (JTWC) sa mga residente na maghanda para sa malaks na bagyo.
Samantala, bago makarating ng Saipan galing Estados Unidos, unang lumapag sina Hall at Rigsby sa Pilipinas.
"Arrived at HQ in Manila. Where we go from here? Not sure. Could be Saipan. Could be Taiwan. Could be Japan. Either way, we are hunting what will be super typhoon," saad ni Rigsby sa isang Facebook post noong Hulyo 2.
At nitong Sabado, Hulyo 4, kasalukuyan nang nasa Saipan ang dalawang storm chasers para sa super typhoon.
"Chase Target is in place, and we have arrived in Saipan, an island in the Marianas Islands chain. The islands are bracing for the impact of a Category 5 Super Typhoon Bavi, with significant uncertainty still surrounding the direct eye impact. However, severe winds are expected, and it is crucial to complete all necessary preparations, as Bavi is anticipated to arrive within the next 48 hours," saad naman ni Hall sa kaniyang Facebook post.
Kadalasan, ang mga storm chaser ay nangangalap ng datos sa isang lugar kung saan nagaganap ang bagyo para magsagawa ng scientific research at para mapahusay din ang forecasting models.
Sa Pilipinas, may humigit-kumulang 10–15 storm chasers ang Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA).
Gayunpaman, hindi lahat sa kanila ay maaaring sabay-sabay na maipadala sa field sa panahon ng mga bagyo, dahil ang ilan ay nakatalaga rin bilang mga kinatawan ng DOST-PAGASA sa Office of the Civil Defense (OCD). Layunin nitong matiyak na ang mga hakbang sa pagtugon at koordinasyon sa sakuna ay nakabatay sa science-based at real-time weather information. Dahil dito, nalilimitahan ang bilang ng mga storm chasers na maaaring maitalaga sa field sa anumang oras.
SAMANTALA, inaasahang pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang super typhoon sa Miyerkules, Hulyo 8.