Nakarating na sa Canada si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos, batay sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Hulyo 2.
Anang PCO kamakailan, tatagal ang pagbisita ng Pangulo sa naturang bansa mula Hulyo 1 hanggang Hulyo 4.
Inaasahan din ang pakikipagkita nito kay Canadian Prime Minister Mark Joseph Carney.
Sa isinagawang press briefing ng PCO noong Miyerkules, Hulyo 1, matatandaang binanggit ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro ang ilang highlights at impormasyon ng nasabing official visit ni PBBM sa Canada, na nagmula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
“Unang-una po ang pagbisita po ng Pangulo sa Canada ay para mas paigitingin pa ang magandang relasyon sa bansang Canada. Nananatiling masigla at matatag ang samahan ng Pilipinas at ng Canada,” saad ni Usec. Castro.
Aniya pa, “May ilang mga frameworks of cooperation at iba’t ibang kasunduan ang inaasahang ilalabas sa pagbisita ng Pangulo lalo na sa mga area ng energy, natural resources, trade and investment, labor and migration, tourism, culture and arts.”
Giit ng press officer, lalahok din si PBBM sa iba’t ibang dayalogo na may kinalaman sa negosyo at private sector management.
“Nakatakda ring dumalo ang Pangulo sa iba’t ibang business meetings at private sector engagement partikular sa pakikipagpulong ng Pangulo sa economic players ng Canada sa larangan ng mining, IT, and business process management… Telecommunications, nuclear energy, and financial services,” anang press officer.