Narekober sa backpack ng isang Grade 10 na mag-aaral sa Barotac Nuevo, Iloilo, ang .38 caliber revolver noong Martes, Hunyo 30, habang ito ay nasa loob ng paaralan.
Batay sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) noong Miyerkules, Hulyo 1, ang nasabing baril sa loob ng bag ng 15-anyos na mag-aaral ay may anim na live ammunition rounds.
Ayon naman sa Iloilo Police Provincial Office (IPPO), nang makita ang baril sa mag-aaral, ito ay dinala sa guidance counselor ng paaralan, na nagtimbre sa Barotac Nuevo Municipal Police Station.
Dahil menor de edad ang mag-aaral, inilipat siya sa kustodiya ng Barotac Nuevo Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa naaakmang interbensyon at pangangalaga.
Habang ang baril ay nailipat na sa kustodiya ng kapulisan para sa tamang dokumentasyon ay iba pang mga legal na proseso.
Samantala, sa ulat ng Manila Bulletin, ibinahagi ni IPPO spokesperson PLt. Col. Arnel Solis na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Education (DepEd) upang matukoy ang motibasyon ng mag-aaral sa pagdadala ng baril sa paaralan at kung sino ang nagmamay-ari nito.