Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng operator at drayber ng jeep na sangkot sa insidenteng pagkahulog ng isang pasahero sa kalagitnaan ng pagbiyahe nito sa daan.
Batay sa pahayag ng LTO noong Miyerkules, Hulyo 1, nakarating sa kanilang tanggapan ang viral video ng paggulong ng pasahero sa kalsada matapos ang umano’y agresibong pagmamaniobra ng jeep kung saan ito nakasabit.
Sa naturang video ring ito, mapapanood na hindi huminto ang jeep upang tulungan ang pasaherong nahulog.
Kaya bilang tugon, ipinag-utos ng LTO ang agarang pagsuko ng lisensya ng jeepney driver, gayundin ang pagsasailalim nito sa 90-araw na preventive suspension habang umaandar ang pagdinig sa kaso.
Ipinapatawag din ng ahensya ang jeepney driver upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa mga paglabag ng Reckless Driving, Duty of Driver in Case of Accident, gayundin sa pagsuspinde o pagbawi ng kaniyang lisensya dahil sa kasong mproper Person to Operate a Motor Vehicle.
Ang operator naman ng pampasaherong jeep ay nakatakdang sa kasong mploying Reckless, Insolent, Discourteous or Arrogant Drivers.
Samantala, ang pampasaherong jeep ay inalarma upang matiyak na hindi ito maililipat o maisasailalim sa anumang transaksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Dahil sa pangyayaring ito, ipinaalala ng LTO sa lahat ng driver ng mga pampublikong sasakyan na maging maingat, disiplinado, at responsable sa kanilang pagmamaneho dahil sa kaakibat nitong responsibilidad sa kaligtasan ng bawat pasahero.
Tiniyak din ng ahensya na hindi nila kukunsitihin ang anumang uri ng iresponsableng pagmamaneho at pagtakas sa responsibilidad sa pagkakataong may insidenteng maganap sa daan.