Patuloy ang paglayo ng tropical depression "Henry" sa bansa ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong hapon ng Miyerkules, Hunyo 1.
Sa press briefing ng PAGASA, ibinahagi ni PAGASA Weather Specialist Benison Estareja na huling namataan ang bagyo sa layong 315 kilometers West of Dagupan City, Pangasinan.
Kung saan taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong 55 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-north northwestward sa bilis na 30 kilometers per hour.
Dagdag pa ni Estareja, tanging Zambales at Bataan na lang ang naaapektuhan ng trough ng bagyo, kaya inaasahan ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa loob ng susunod na 12 oras.
Samantala, inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo ngayong gabi.
Mananatili ito bilang tropical depression habang binabagtas ang West Philippine Sea at lalakas ito bilang tropical storm patungong China.