Napa-sana all na lang talaga ang mga netizen kay Ellen Adarna matapos niyang i-flex ang direct encounter kina Jerry Yan at Vanness Wu, dalawa sa mga miyembro ng iconic Taiwanese boy band na F4, na nag-concert sa Pilipinas noong Sabado, Hunyo 27.
Sa kaniyang Instagram account, hindi maitago ni Ellen ang pagpapaka-fangirl matapos i-share ang ilang larawan at video na kuha sa ginanap na "F Forever Tour" sa Philippine Arena sa Bulacan.
Isa sa mga ibinahagi niyang video ang agad na umani ng atensiyon ng mga netizen. Makikita rito si Vanness Wu na tila naghahanap sa audience bago tumapat kay Ellen at sambitin ang katagang, “Mahal kita.”
Dahil dito, pabirong tinukso ng aktres ang kanyang followers nang lagyan niya ng caption ang kanyang post na, “Jowa reveal,” habang tina-tag ang Taiwanese singer-actor.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ipinakita ni Ellen ang kaniyang pagiging certified fan ng F4.
Noong nakaraang taon, nagbahagi rin siya ng video kung saan kinakanta at sini-synch niya ang labi sa kantang “Jue Bu Neng Shi Qu Ni,” isa sa mga sikat na awitin ng grupo.
Nagkaroon pa ng mas nakakakilig na eksena nang mapansin ng isa pang miyembro ng F4 na si Ken Chu ang kanyang post. Nag-iwan noon ng raised-hands emoji si Ken sa comment section, na agad namang sinagot ni Ellen ng sunod-sunod na screaming emojis bilang pagpapakita ng kanyang kasabikan.
Bago pa ang eksena kay Vanness, naging viral din si Ellen matapos ang kaniyang maikling 10-second eye contact moment kay Jerry Yan sa parehong concert, na tinawag naman niyang "husband."
Matatandaang muling nagsama-sama sina Jerry Yan, Vanness Wu, at Vic Chou para sa kanilang reunion tour, mahigit dalawang dekada matapos silang sumikat sa buong Asya sa pamamagitan ng hit Taiwanese drama na “Meteor Garden.”
Hindi naman nakasama sa nabanggit na reunion concert si Ken Chu.
Nabuo ang F4 noong 2001 kasunod ng napakalaking tagumpay ng serye, kung saan nakasama nila ang yumaong Taiwanese actress na si Barbie Hsu, na gumanap bilang Shan Cai.
Hanggang ngayon ay nananatiling popular ang grupo sa iba't ibang bansa sa Asya dahil sa kanilang mga awiting “Meteor Rain,” “Can't Lose You,” at kanilang bersyon ng “Can't Help Falling in Love,” bukod sa iba pa.