Pinatulan ng negosyante at social media personality na si Diwata ang hamon ng netizen na puntahan si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Gen. Manager Nicolas Torre III na kahawig umano niya.
Sa latest Facebook post ni Diwata nitong Lunes, Hunyo 29, idinokumento niya sa pamamagitan ng video ang pagsadya niya sa opisina ni Torrel na matatagpuan sa Barangay Ugong, Pasig City.
“'Yong nag-comment na puntahan ko raw si Torre kasi magkamukha raw kami, sige. Challenge accepted,” saad ni Diwata.
Dagdag pa niya, “Pupuntahan natin ngayon si General Torre sa MMDA kasi 'di ba MMDA na siya ngayon? Sana magtagumpay tayo para magkita kami.”
At hindi nga nabigo si Diwata na ma-meet ang look-alike niyang opisyal at game na game din itong sumakay sa trip niya.
“'Yong mga nagsasabi diyan na magkamukha kami, ito na," hamon ni Torre. "Husgahan n'yo na."
"Sa mga nagsasabing magkamukha kami, parang nga. Parang tama nga kayo," natatawang saad ni Diwata.
Hirit pa ng MMDA General Manager, "Tatanungin namin ang mga tatay namin kung anong nangyari."
Matatandaang matagal nang kinukumpara si Torre kay Diwata. Sa isang panayam, minsan niyang inihayag na sinadya raw niya ang social media personality sa tindahan nito sa Pasay para lang makapagpapicture ngunit hindi niya naabutan.