Muling namayagpag ang Pinoy pride sa international stage nang maipanalo ni TV host-actor at singer, Billy Crawford ang championship sa Season 9 ng Mask Singer sa France noong Linggo, Hunyo 28.
Sa Instagram post ng Mask Singer, ibinahagi nilang ang pagtatanghal ni Billy ng “Beat It” na orihinal na kanta ni King of Pop, Michael Jackson, ang kaniyang naging winning performance.
Bukod dito, natuwa rin ang French audience kay Billy dahil sa kaniyang pagtatanghal ng iba’t ibang French at English title tracks sa buong season, tulad ng “Le Portrait,” “I Feel Good,” at “Uptown Funk.”
Sa isang tribute message ni Billy sa kaniyang Instagram, ibinahagi niyang isang buwan bago inilabas ng Mask Singer na siya ang tao sa likod ng kaniyang “L’Ane” o donkey costume.
“Thank you to my @masksinger_tf1 family for keeping me a secret for a whole month! Thank you to the costume designers for your incredible patience and for the countless adjustments you made along the way,” ani Billy.
Saad pa niya sa post, napili niya ang “L’Ane” bilang special character para sa show dahil nagustuhan ito ng kaniyang anak na si Amari.
“L’Ane was a very special character to me because I chose it with my son Amari in mind. I figured if he loved it, everyone else would too!” dagdag pa ni Billy.
Sa pagkapanalong ito, bumuhos ang pagbati ng international at Pinoy fans ni Billy, kasama na ang ilang kaibigan sa music industry sa Pilipinas, tulad ni “King of Pinoy R&B,” Jay R.
Sa kaugnay na ulat, si Billy ang naging host ng Masked Singer Pilipinas noong 2020 at 2025.
Noon namang 2022, naiuwi na rin ni Billy ang championship sa French edition ng “Dancing with the Stars.”
Dahil na rin sa matagumpay niyang release ng kaniyang hit single, “Trackin” sa France noong 2002, nagkaroon siya rito ng loyal fan base.