Sa ospital ang bagsak ng isang 15-anyos na binatilyo matapos siyang masaksak ng ice pick ng kapwa niya rin menor de edad sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon sa mga ulat, nagpang-abot ang grupo ng biktima at suspek na nauwi sa kaguluhan.
Kuwento ng ina ng biktima sa media, nagpaalam lang umanong tatambay ang biktima kasama ang kaniyang mga kaibigan sa kabilang subdivision. Subalit, hindi niya alam na nakipag-inuman na raw pala ang biktima kasama ang mga kaibigan niya.
Lumalabas sa imbestigasyon na na-corner ng suspek ang biktima kung saan siya nasaksak ng ice pick.
Batay pa sa imbestigasyon, sinadyang balikan ng suspek ang biktima nang sumiklab ang kaguluhan. Sa pagbalik ng suspek, doon na raw niya dala ang ice pick na ginamit laban sa biktima.
Napag-alaman ding may dati ng alitan ang magkabilang grupo ng suspek at biktima na siya namang tinitingnang anggulo ng mga awtoridad.
Paglilinaw naman ng ina ng biktima, hindi raw kilala ng anak niya ang suspek na nanakit sa kaniya.
Kasalukuyan nang nasa Bahay Pag-asa ang suspek.