July 23, 2026

Home BALITA Probinsya

14-anyos, kritikal nang saksakin ng dati niyang live-in partner na 26-anyos!

14-anyos, kritikal nang saksakin ng dati niyang live-in partner na 26-anyos!
Photo courtesy: Unsplash

Kritikal ang isang 14 taong gulang na dalagita matapos siyang habulin ng saksak niya kaniyang dating kinakasama na 26-anyos sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Batay sa nagkalat na CCTV footage sa lugar, mapapanood na naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktima kasama ang isang lalaki. Ilang sandali pa, unti-unti nang lumitaw ang sumusunod sa kaniyang suspek hanggang sa paulanan na siya nito ng saksak.

Sinubukan pang makatakbo ng biktima ngunit mabilis siyang nahabol ng suspek hanggang sa abutan siya nito.

Ayon sa mga ulat, nagtamo ng mga saksak sa balikat at mukha ang biktima.

Makikita rin sa naturang CCTV footage ang pagdaan ng barangay mobile na mabilis na nakaresponde sa krimen. Isang lalaki naman ang makikitang umakay sa biktima na noo’y paika-ika na ang lakad.

Probinsya

Lalaking umiihi sa gilid, naipit sa pagitan ng 2 container van!

Lumalabas sa imbestigasyon na dating mag-live in partner ang biktima at suspek. Nabuntis din umano noon ng suspek ang dalagita noong siya ay 13 taong gulang pa lamang.

Ayon pa sa mga awtoridad, naghiwalay ang dalawa matapos mamagitan ng mga magulang ng biktima dahil umano sa pagiging menor de edad niya.

Samantala, nasakote ng mga awtoridad ang suspek sa isinagawang follow-up operation. Depensa ng suspek, matinding selos umano ang nag-udyok sa kaniya upang gawin ang krimen. 

Iginiit din niyang hindi ang ex niya ang kaniyang target kundi ang lalaking kasama ng biktima na naglalakad noong inatake niya ito.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa suspek. Ayon sa kanila, matagal na raw nilang gustong kasuhan ang suspek, lalo pa’t tatlong beses daw nitong tinangay ang kanilang anak at dinala pa noon sa Samar.

Nakapiit na sa Quezon City Police District (QCPD) Station 14 ang suspek, na mahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004, statutory rape, at frustrated homicide.