Nag-alala ang mga tagahanga ng Kapuso star at fashion icon na si Heart Evangelista matapos ibahagi ng kaniyang personal assistant at confidante na si Reszty Roselle ang mga larawan at video ng aktres habang naka-confine sa ospital.
Sa serye ng Instagram Stories na ibinahagi noong Sabado, Hunyo 27, makikitang nakahiga si Heart sa hospital bed habang inaalagaan ng mga doktor at nurse. Ayon sa kaniya, bumigay raw ang katawan ng aktres dahil sa matinding pagod bunga ng sunod-sunod na trabaho at commitments nito.
“Sa sobrang hardworking ng batang ito, kailangan talaga umabot pa siya sa point na hindi na niya kaya before magpa-confine,” saad ni Res sa isa sa kaniyang mga post habang ipinapakita si Heart na nasa ospital.
Photo courtesy: @resztyrose (IG)
Sa isa pang mensahe, ipinagtanggol din niya ang aktres laban sa mga kritiko at bashers.
“Health is wealth. Ganda, sana naisip mo 'yan. Rest din kapag may time. Tapos itong mga basher na 'to kung husgahan ka grabe, hindi nila alam kung gaano ka kasipag para kumita lang ng pera,” aniya.
Photo courtesy: @resztyrose (IG)
kabila ng naging kondisyon, nagbigay naman ng positibong update si Res tungkol sa kalagayan ng aktres.
“Road to full recovery and she's awake na from sedation,” saad niya sa isa pang Instagram Story. Ibinahagi rin niyang nakakalakad na si Heart nang diretso ngunit nangangailangan pa rin ng suporta habang nagpapatuloy ang kanyang paggaling.
Photo courtesy: @resztyrose (IG)
Nagpasalamat din siya sa Diyos at kay Mama Mary matapos magpakita ng pagbuti ang kalagayan ng aktres.
“Thank you Lord! Thank you Mama Mary!” aniya.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na napabalitang nakaranas si Heart ng matinding pagkapagod dahil sa kanyang abalang iskedyul.
Kilala ang aktres sa kaniyang mga international fashion engagements, luxury brand commitments, endorsements, television projects, at iba pang negosyo na madalas magdala sa kaniya sa iba't ibang panig ng mundo.
Noong mga nakaraang buwan, inamin din niyang kinailangan niyang magpahinga dahil sa mga isyung pangkalusugan at epekto ng matinding pagod sa katawan.
Sa kasalukuyan, host si Heart ng game show na "The People Have Spoken" sa GMA Network.