July 26, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Aiko Melendez, nilista mga bet niyang maging senador sa 2028

Aiko Melendez, nilista mga bet niyang maging senador sa 2028
Photo courtesy: Aiko Melendez (FB)

 Ibinahagi na ng aktres at Quezon City councilor Aiko Melendez ang ilan sa mga personalidad na nais niyang makita sa Senado, bagama’t mahigit isang taon pa bago ang 2028 national elections,

Sa kaniyang social media post, nilinaw ni Aiko na hindi pa kumpleto ang kaniyang listahan ng mga posibleng iboto dahil marami pang panahon upang obserbahan at suriin ang magiging performance ng mga nais tumakbo sa susunod na halalan.

Ayon sa aktres, mahalagang patuloy na makinig, magmasid at timbangin ng mga botante ang track record ng mga kandidato bago gumawa ng pinal na desisyon.

Kung sakaling gaganapin aniya ang halalan sa kasalukuyan, kabilang sa kanyang mga pangunahing pagpipilian si Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Pinuri ni Aiko ang liderato ni Belmonte sa Quezon City, na aniya ay naging isa sa mga pinakaprogresibo at people-centered na lokal na pamahalaan sa bansa dahil sa iba't ibang reporma sa serbisyo publiko at pamamahala.

Tsika at Intriga

Sigaw ni Brent Manalo: 'No to Pax Silica!'

Binigyang-diin din niya ang mga programang nagsusulong ng kapakanan ng kababaihan, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at LGBTQIA+ community.

Bukod kay Belmonte, kabilang din sa kaniyang listahan si dating Commission on Elections commissioner at dating Commission on Audit official na si Atty. Rowena Guanzon.

Ayon kay Aiko, hinahangaan niya si Guanzon dahil sa matatag nitong paninindigan laban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan, gayundin ang malawak nitong karanasan sa larangan ng accountability at good governance.

Kasama rin sa kaniyang mga napupusuang kandidato si Pasig City Mayor Vico Sotto.

Aniya, naging simbolo si Sotto ng transparent at accountable governance sa lokal na pamahalaan dahil sa pagsulong nito ng inobasyon, digitalization, at episyenteng paghahatid ng serbisyo publiko.

Para kay Aiko, kinakatawan ni Sotto ang bagong henerasyon ng mga lider na mas nakatuon sa mabuting pamamahala kaysa sa tradisyunal na politika.

Gayunman, iginiit ng aktres na personal lamang ang kanyang mga napiling kandidato sa ngayon at maaari pa itong magbago habang papalapit ang halalan.

Hinimok din niya ang publiko na patuloy na suriin ang mga kandidato batay sa kanilang nagawa at hindi lamang sa mga pangakong inilalatag tuwing panahon ng kampanya.

Sa pagtatapos ng kaniyang post, tinanong ni Aiko ang kaniyang mga tagasubaybay kung sino-sino naman ang kanilang mga nais maging senador sa 2028, kasabay ng panawagang panatilihing magalang at maayos ang talakayan sa kabila ng magkakaibang pananaw sa pulitika.