July 11, 2026

Home BALITA

PRC, sinuspinde si Badoy dahil sa panrered-tag sa healthworkers

PRC, sinuspinde si Badoy dahil sa panrered-tag sa healthworkers
Photo Courtesy: via MB

Sinampolan ng Professional Regulation Commission (PRC) si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy dahil sa umano’y red-tagging nito sa mga health worker noong kasagsagan ng pandemya.

Sa isang Facebook post ng Movement Against Disinformation (MAD) nitong Sabado, Hunyo 27, sinabi nilang tinatanggap nila ang desisyon ng PRC Board of Medicine na guilty si Badoy sa paglabag sa Revised Code of Ethics of the Medical Profession.

Ang MAD ang tumayong counsel ng mga complainants sa naturang kaso.

Sinususpinde rin ng lupon ang certificate of registration ni Badoy sa loob ng anim na buwan. 

"The decision, dated May 8, 2026, and received by MAD on June 25, 2026, also prohibits Badoy from practicing medicine during the suspension and requires an affidavit of compliance before any return to practice," saad ng MAD.

National

PBBM, bumoses na sa arbitral award ng Pinas!

Dagdag pa nila, "The consolidated cases arose from Badoy’s public statements linking the Alliance of Health Workers (AHW), its members, and community physician Dr. Ma. Natividad 'Naty' Castro to the CPP-NPA-NDF."

Ayon sa MAD, nakalinya umano ang desisyong ito ng PRC sa pagkilala ng Korte Suprema na ang red-tagging, vilification, labeling, at guilty by association ay banta sa kalayaan, karapatan at seguridad ng mamamayan.

Matatandaang noong 2022, umapela ang AHW sa PRC para ipawalang-bisa ang lisensya ni Badoy bilang physician dahil sa umano'y red-tagging na ginagawa nito.

Batay sa pagpapakahulugan ng Commission on Human Rights (CHR), ang terminong "red-tagging" ay madalas na ginagamit upang ilarawan ang isang grupo o indibidwal bilang kasapi ng underground armed movement o terorismo nang walang anomang basehan o paglilitis.

Samakatuwid, ang isang aktibista o human rights defender ay pwede umanong bigyang-taguri bilang terorista o komunista nang walang sapat na ebidensya.

Samantala, wala pang pahayag na inilalabas si Badoy hinggil dito.