Nalagot sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng isang electronic vehicle (EV) taxi matapos masangkot sa nag-viral na robbery prank ng dalawang vlogger ang isa sa kanilang drayber.
Batay sa pahayag ng LTFRB nitong Sabado, Hunyo 27, binanggit na suspendido ng 30 araw ang operation ng EV taxi habang iniimbestigahan ang insidente.
“Hindi ito nakakatuwa, sa halip, ito ay naghahatid ng takot sa ating mga kababayan na regular na sumasakay ng taxi at TNVS. We will look into this and we assure that appropriate disciplinary measures will be done,” ani LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II.
Bukod sa suspensyon, isa ring show cause order (SCO) ang ibinaba sa Green and Smart Mobility Philippines, Inc., na may-ari ng EV taxi na nasangkot sa prank.
Mapapanood sa nasabing viral prank na ang drayber mismo ng EV taxi ang nag-anunsyo ng prank, at kalauna’y sinamahan pa siya ng dalawang vlogger na umarte bilang mga holdaper.
Ani Vigor, ang pangyayaring ito, bagama’t prank, ay maaaring magbigay ng mensahe sa publiko na hindi ligtas ang pagko-commute sa Pilipinas.
Sa kaugnay na ulat, ang pahayag ay isinulat ng LTFRB sa kasagsagan ng isa pang imbestigasyon ng dalawa pang taxi drivers na nagnakaw sa dalawang foreign models na nasa bansa para sa isang fashion show noong nakaraang Sabado, Hunyo 13.