Pumalo sa 93 ang mga naitalang bagong kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Hunyo 25 ngayong taong 2026.
Mula sa kabuoang bilang na ito, 74% rito ay mga batang nasa edad anim pababa.
Habang sa ikalawang distrito naman ng Quezon City ang may pinakamataas na mga kaso ng HFMD, sa talang 24 bilang.
Dahil dito, ipinapaalala ng QCESD na mabilis makahawa ang HFMD at upang maprotektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak laban sa sakit na ito, mainam na ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay pagkatapos gumamit ng palikuran o banyo; bago o pagkatapos kumain; pagkatapos umubo, bumahing, at suminga; at pagkagaling sa labas o pagkatapos maglaro.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang HFMD ay nakahahawang sakit na nagdudulot ng lagnat, mouth sores, at skin rashes.
Ang HFMD ay dulot ng mga virus na kadalasang nakukuha sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Talsik ng laway matapos ang pagbahing, pag-ubo, o pagsasalita.
- Mga bagay na nakapitan ng virus.
- Likido o nana mula sa mga sugat o pantal sa balat.
- Dumi ng tao.
Sa kaugnay na ulat, nakapagtala rin ng 204 na kaso ng tigdas o measles ang QCESD sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Hunyo 25 ngayong 2026.
Tinatayang 78% rito ay mga batang edad 10 taong pababa.