Nagbigay ng pahayag ang anak ni Jeremiah Rosales na si VMX actress Liana Rosales kaugnay sa pagtakas umano ng ama niya sa rehabilitation facility.
Si Liana ang ikalawa sa apat na anak ni Jeremiah kay Jhen Go.
Batay sa mga ulat, nakatakda sanang ipasok si Jeremiah sa rehabilitation facility noong Hunyo 20 dahil sa lumalala niyang kondisyon. Ngunit bago pa man maipasok sa rehab, nakatakas raw siya.
Sa panayam ng Cabinet Files nitong Biyernes, Hunyo 26, sinabi ni Liana na nagulat umano siya sa ginawa ng kaniyang erpat.
Aniya, “Nagulat po ako dahil hindi ko expected na matatakasan niya yung rehab. Kaya lang po namin ginagawa ’yon para sa sarili niya. Para magtino siya kasi matanda na siya."
"Tapos kaming mga anak pa niya ang parang nagiging magulang niya instead na siya ‘yong nagpapakatatay sa amin. Sana po magpakita na siya dahil para sa ikabubuti rin niya ang pagpasok sa rehab," dugtong pa ni Liana.
Matatandaang ayon sa Facebook post ni Jhen noong Huwebes, Hunyo 25, nawawala umano si Jeremiah at huling namataan ang mister niya sa Maia Alta Subdivision sakay ng motorsiklo nito.
Ngunit sa latest Facebook post ng utol ni Jeremiah na si Jericho Rosales nitong Biyernes, nilinaw niyang nasa probinsya raw ang kaniyang kapatid at hindi nawawala.
“Hello everyone. Thank you for your concern. Jeremiah, my brother, is not missing. He is safe and is with our family in the province. God bless you all,” saad ni Jericho.