July 07, 2026

Home BALITA Internasyonal

Venezuela, niyanig ng 7.2 at 7.5 na lindol!

Venezuela, niyanig ng 7.2 at 7.5 na lindol!
Photo courtesy: AP Photo/Adrian Naranjo

Niyanig ng magkasunod na magnitude 7.2 at 7.5 na lindol ang baybayin ng Venezuela gabi ng Miyerkules, Hunyo 24, 2026, dahilan ng pagguho ng mga gusali at pagkatakot ng mga residente.  

Sa lumabas na mga pang-internasyonal na ulat, partikular sa Associated Press nitong Huwebes (araw sa Pilipinas), Hunyo 25, sinabi nilang naramdaman ang naturang malalakas na pagyanig sa rehiyon ng Venezuela dahilan para lumikas ang mga residente sa 1,700 na kilometrong layo mula sa lugar na pinagmulan ng lindol. 

Batay umano sa tala ng United States Geological Survey (USGS), nauna munang itaas sa inisyal na magnitude 7.1 ang unang pagyanig ng epicenter ng lindol sa parteng kanluran (west) sa komunidad ng Moron na malapit sa Caribbean coast, may lapit na 168 kilometro sa kanluran ng Caracas, at nabago ito sa magnitude 7.2. 

Anila, aabot sa lalim na 22 kilometro sa lupa ang pinagmulan ng unang naturang pagyanig.

Sa ikalawang tala ng USGS, umabot naman sa lakas na magnitude 7.5 ang kasunod na lindol sa may parteng timog-kanluran (southwest) sa Moron matapos ang humigit-kumulang isang minuto ng naunang pagyanig. 

Internasyonal

Dasal ni Pope Leo XIV ngayong Hulyo: Irespeto ang buhay ng tao

Batay sa tala nila, may lalim na 10 kilometro sa lupa ang pinagmulan ng ikalawang malakas na pagyanig. 

Ayon naman sa naging pahayag ng acting President ng Venezuela na si Delcy Rodríguez noon ding Miyerkules, sinabi niyang naghahanda na raw sila para magsagawa ng nation address. 

Tila pinuna umano ng mga politiko at mamamayan ng Venezuela ang huling tatlong oras na pagsasagawa ni Rodriguez ng nation address mula nang maganap ang malalakas na pagyanig. 

Sa naging pahayag ni Edmundo González, tumayong oposisyon sa naging Presidential election sa Venezuela noong 2024, sinabi niyang tatlong oras na raw ang nakalipas at kaunting impormasyon pa lang ang nalalaman ng publiko kaugnay sa naganap na trahedya. 

“Three hours have passed and we still have little information about the consequences of the earthquakes. What is certain is that we do not have the response capacity that Venezuela deserves,” ani González sa kaniyang “X” post noon ding Miyerkules. 

Dagdag pa niya, “Venezuela is going to need international support. And it will need it because its own State has abandoned it.” 

Samantala, nananatiling hindi pa malinaw ang inisyal na bilang ng mga naapektuhan ng lindol sa Venezuela ngunit tiyak ang naging pagguho ng mga gusali batay kay Venezuela Interior Minister Diosdado Cabello.