July 09, 2026

Home BALITA Probinsya

Menor de edad na umawat sa gulo, nasaksak sa leeg!

Menor de edad na umawat sa gulo, nasaksak sa leeg!
Photo courtesy: Unsplash

Isang 17-anyos na binatilyo ang nasawi matapos masaksak sa leeg habang sinisikap umanong awatin ang isang rambulan na naganap sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Regada Festival sa Cavite City noong Miyerkules, Hunyo 24, 2026.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang kaguluhan sa isang simpleng sagian na kalaunan ay humantong sa suntukan. Napag-alaman na ang pangunahing kinasangkutan ng alitan ay ang tiyuhin ng biktima at isa sa mga suspek.

“Actually ang kasuntukan talaga nitong isa sa ating mga suspek, itong tyuhin nitong victim,” ayon kay Police Lt. Col. Socrates Jaca, hepe ng Cavite Component City Police Station.

Habang nagkakagulo, sinubukan umano ng binatilyo na umawat upang hindi na lumala pa ang komprontasyon. 

Gayunman, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nakisali rin sa rambulan at doon na nagtamo ng malubhang saksak ang biktima.

Probinsya

13-anyos, bistado sa pagpapakalat ng 'death threat' sa principal at eskwelahan!

“Umawat itong victim, kaso nung umawat siya, meron naman isang tao na sumama rin sa rambulan at yun nga nag struck ng blunt object, ang tinamaan, ito pong victim na 17 years old,” dagdag ni Jaca sa media.

Batay sa mga salaysay ng mga saksi, nakatakbo pa umano ang biktima nang ilang metro matapos masugatan bago ito bumagsak. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay matapos mapuruhan ang ugat sa kaniyang leeg.

Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador kung ano ang eksaktong ginamit na sandata sa krimen. Isa sa mga tinitingnang posibilidad ay isang susi na maaaring ginamit sa pananaksak.

May mga ulat ding isa pang lalaki ang nasugatan sa parehong insidente, ngunit hindi pa ito opisyal na kinukumpirma ng pulisya.

Agad namang naaresto ng mga awtoridad ang isang 34-anyos na lalaki na itinuturing na suspek sa pagsisimula ng rambulan. 

Samantala, patuloy pang pinaghahanap ang isa pang suspek na pinaniniwalaang direktang responsable sa pagkamatay ng binatilyo.

Ayon pa sa pulisya, nagtatrabaho umano ang pinaghahanap na suspek bilang construction worker at tattoo artist.

Nasa kustodiya na ng Cavite Component City Police Station ang naarestong suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kaniya. 

Samantala, nagpapatuloy ang manhunt operation laban sa isa pang suspek na nananatiling nakalalaya.