Lumobo ng 6% ang mga kaso ng leptospirosis sa buong bansa, batay sa ulat na ibinahagi ng Department of Health (DOH) noong Miyerkules, Hunyo 24.
Ayon sa DOH, umabot sa 2,177 cases ang naitala simula noong Enero 4 hanggang Hunyo 6 ngayong taon—mas mataas kumpara sa 2,046 noong parehong panahon noong 2025.
Anila, ang madalas na tinatamaan ng sakit ay ang mga magsasaka at mga indibidwal na madalas na nakalusong sa tubig o putikan.
Paalala ng DOH, kung hindi maiiwasang lumusong sa baha o tubig, huwag kalilimutang magsuot ng bota; hugasan kaagad ng malinis na tubig at sabon ang parteng nalubog sa baha; at huwag na lumusong kung may bukas na sugat.
Agad ding magpakonsulta kung matapos ang paglusong sa baha ay naranasan ang mga karaniwang sintomas nito gaya ng lagnat, sakit ng ulo, panginginig, sakit sa katawan, at pamumula ng mga mata.
Dagdag pa nila, huwag itong inuman ng antibiotic o anumang gamot na hindi naman inireseta ng doktor.
Anang ahensya, ang leptospirosis ay isang sakit na dala ng bacteria na tinatawag na “leptospira”—na naipapasa ng mga hayop gamit ang kanilang ihi.
Nakapapasok ang naturang bacteria sa katawan ng tao sa pamamagitan ng sugat, galos, mata, ilong, at bibig.