Isang 52-anyos na lalaki ang nasawi matapos umano itong pagtatagain at pugutan ng ulo ng kaniyang kapitbahay sa Barangay Mauswagon, bayan ng Godod, Zamboanga del Norte.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente matapos ang mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng 29-anyos na suspek.
Ayon sa mga saksi, ilang beses umanong pinagtataga ng suspek ang biktima hanggang sa maputol ang ulo nito.
“Yung pagkataga sa kanya ay sa leeg na nag-cause ng pagtanggal ng ulo. According naman sa witness doon sa area na nung after ng pagtaga, kinuha daw ng suspek yung ulo at dinala papunta sa bahay n’ya,” ayon kay Police Regional Office-9 spokesperson Major Shellamie Chang.
Natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng biktima ilang metro lamang ang layo mula sa bahay ng suspek. Makalipas ang insidente, kusang-loob namang sumuko ang suspek sa pulisya.
Lumabas sa pagsisiyasat na nagkaroon muna ng komprontasyon ang dalawa bago naganap ang krimen. Ayon sa pulisya, papasok na umano sa kaniyang bahay ang biktima nang bigla itong atakihin.
“Accordingly, after nilang magtalo, itong victim ay tumalikod kasi parang nasa harapan lang ng bahay nangyari yung pagtatalo nila, tumalikod siya para pumasok sa kanilang bahay, pagtalikod niya, doon siya tinaga ng ating suspek,” dagdag ni Chang.
Patuloy namang sinusuri ng mga imbestigador ang ulat na posibleng kukuha sana ng metal pipe ang biktima upang gamitin laban sa suspek bago nangyari ang pananaga.
Isa sa mga pangunahing tinitingnang motibo ng mga awtoridad ay matagal nang alitan kaugnay umano sa usapin ng lupa.
“Long standing grudge daw, matagal na ata yung alitan nila at isa sa tinitingnan natin is yung lupa nga nila,” sabi pa ni Chang.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong murder habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.