July 26, 2026

Home BALITA

Sen. Bam sa 5th death anniv ni PNoy: 'Lahat ibinigay niya para sa mga Pilipino!'

Sen. Bam sa 5th death anniv ni PNoy: 'Lahat ibinigay niya para sa mga Pilipino!'
Photo courtesy: Bam Aquino/FB


Ginunita ni Sen. Bam Aquino ang mga alaalang iniwan ni dating Pangulong Benigno Aquino III, kasabay ang ikalimang anibersaryo ng pagkamatay nito ngayong Miyerkules, Hunyo 24.

Sa isang Facebook post na ibinahagi ni Sen. Bam, ikinuwento niya ang kaniyang mga naging alaala sa dating Pangulo bago ito mamayapa.

“Limang taon na mula nang mawala si Kuya Noy. Lahat ibinigay niya para sa mga Pilipino. Wala siyang itinira para sa kaniyang sarili,” saad ni Sen. Bam.

“Ilang araw bago siya pumanaw, nagkausap pa kami sa text. Pinaplano ko siyang bisitahin at pumayag naman siya. Hanggang ngayon, may panghihinayang pa rin ako na hindi ko iyon nagawa agad. Akala ko marami pa kaming oras para magkuwentuhan at magkumustahan,” pagkukuwento niya.

Inilarawan din ng mambabatas si PNoy, batay sa kaniyang perspektibo.

“Marami ang nakakakilala kay PNoy bilang Pangulo. Pero para sa akin, siya rin si Kuya Noy na napakasimple, mahiyain, at mas komportable sa likod ng kamera kaysa sa harap nito,” anang mambabatas.

National

Sen Alan, tinalakang 'ang ingay, dakdak nang dakdak' sa FB live niya

Ayon pa sa kaniya, “Bukod sa pagiging pinsan, itinuring ko rin siyang mentor. Noong unang termino ko bilang Senador, may mga panukalang batas at isyung madalas naming pag-usapan, minsan pagdebatehan pa.”

“At lagi kong pinapahalagahan ang bawat pagkakataong iyon, pagpapatuloy pa niya.

Giit pa ni Sen. Bam, partikular daw ang dating Pangulo sa mga detalye at numero; sabay diin sa kahiligan nitong sa musika, kasaysayan, at kultura ng iba’t ibang mga bansa.

“Kung may isang bagay na sigurado ako, araw-araw niyang sineryoso ang responsibilidad na ipagkatiwala sa kanya ng mga Pilipino,” ani Sen. Bam.

Binanggit din ng mambabatas ang mga tanyag na slogan ng dating Pangulo—na aniya’y hindi lamang slogan, kung hindi isang paglalarawan sa pamumunong nangingibabaw ang taumbayan.

“Kay PNoy, muling natutong mangarap ang marami nating kababayan dahil ipinakita niyang posible pala ang isang pamumunong tapat. ‘Yong ‘kayo ang boss ko,’ ‘tuwid na daan,’ at ‘walang wang-wang’—hindi ’yon mga slogan lang. Siya talaga ’yon. Naniniwala siya na dapat nangingibabaw ang taumbayan sa mga pulitiko, na dapat may pananagutan ang bawat pinunong pinagkatiwalaan ng bayan, at na walang puwang ang pag-aastang hari-harian sa gobyerno. Kung gusto niyong makilala si PNoy, siya ang tatlong ‘yon,” aniya.

Kinilala niya rin ang aniya’y pamumuno ni PNoy na tahimik ngunit buong puso na nagsikap upang maging tapat para sa mga Pilipino.

“Sa panahon niya, nakita natin ang isang pamumunong tahimik pero masipag, hindi perpekto pero buong pusong nagsikap maging tapat. Lumakas ang ekonomiya, mas maraming nagkaroon ng trabaho, at naisulong ang mahahalagang reporma sa health care, edukasyon, at iba pang sektor. Marami siyang mabuting nagawa para sa bansa, pero bihira niya iyong ipagmalaki,” aniya pa.

Ilan man daw na isyu ang ibinato sa dating Pangulo, naniwala pa rin daw ito na lalabas ang katotohanan sapagkat nagtitiwala ito sa taumbayan.

“Limang taon man ang lumipas pero nananatiling mahalaga ang mga aral na iniwan niya: na may halaga ang katapatan, na may saysay ang pananagutan, at na ang tunay na pamumuno ay hindi tungkol sa kapangyarihan kundi sa paglilingkod. Higit sa lahat, ipinaalala niya na posible pa rin ang isang pinunong buong puso ang alay sa bayan,” saad ng mambabatas.

“Maraming salamat, Kuya Noy. Patuloy naming dadalhin ang mga aral na iniwan mo sa amin. Mahal ka namin at miss ka na namin,” pagtatapos ni Sen. Bam.

Matatandaang nanungkulan bilang ika-15 Pangulo ng bansa si PNoy mula taong 2010 hanggang 2016.

Namayapa ang dating pangulo noong Hunyo 24, 2021, sa edad na 61.

Si PNoy ay pinsan ni Sen. Bam, at anak nina dating Pangulong Cory Aquino at dating senador Ninoy Aquino.