July 27, 2026

Home SHOWBIZ

‘Pag-iisip n’yo sana ang ayusin!’ LANS, umalma sa pambabastos sa mga kapuwa babae

‘Pag-iisip n’yo sana ang ayusin!’ LANS, umalma sa pambabastos sa mga kapuwa babae
Photo Courtesy: LANS (FB)

Sinita ng content creator na si Louise Anne Nagal o mas kilala bilang “LANS” sa pambabastos at pang-iinsulto ng ilang netizens sa mga kapuwa niya babae. 

Matatandaang kaliwa’t kanang post ang naglabasan kamakailan na ikinukumpara ang uri ng content ni LANS na mas kagalang-kagalang umano kumpara sa mga babaeng nagbibilad ng katawan sa social media. 

Kaya sa latest Facebook post ni LANS noong Martes, Hunyo 23, sinabi niyang maging siya mismo ay nababastos din.

“Maging ako po mismo ay hindi rin nakaligtas sa pambabastos, tapos sasabihin ng iba yan sa ibang babae? wala rin pong sense,” saad ni LANS.

Ayon sa kaniya, hindi raw niya maituturing bilang tagumpay ang lumalagong bilang ng kaniyang followers kung may mga kapuwa niya babaeng ibinababa.

Tsika at Intriga

Sigaw ni Brent Manalo: 'No to Pax Silica!'

“Hindi po ako masaya na may mga kapwa babae na bina-bash, kinukumpara, o minamaliit gamit ang pangalan ko,” dugtong pa ng content creator.

Pinangatwiranan ni LANS na hindi raw kinakailangang sumunod ng kababaihan sa inaasahang imahe ng lipunan sa kanila para lang galangin sila.

Dagdag pa niya, “The way we dress is never an invitation for disrespect. Hindi babae, hindi ang aming kasuotan, ang dapat pinapabago para itrato nang maayos. Ang pagiisip po ninyo sana ang ayusin.”

Si LANS ay nakilala sa mga educational niyang content. Nagsimula siyang pasukin ito noon lamang Pebrero 2025.

Sa kasalukuyan, isa siyang veterinary medicine student sa main campus ng Cavite State University na matatagpuan sa Indang, Cavite.