Naglabas ng pahayag ang Bethel Academy of General Trias kaugnay sa hindi awtorisadong pagpapakalat ng CCTV footage kung saan makikita ang pananaksak ng kanilang estudyante sa mga kapuwa nito mag-aaral.
Kaya sa latest Facebook post ng Bethel Academy nitong Martes, Hunyo 23, umapela silang itigil ang pagpapakalat sa naturang video.
"We respectfully appeal to anyone who may have viewed or received the footage not to circulate it further," saad ng Bethel Academy.
Dagdag pa nila, "Those who have saved, downloaded, posted, or shared the video are kindly asked to delete their copy and remove it from their accounts."
Binigyang-diin ng paaralan na ang pagpapakalat ng footage kung saan sangkot ang menor de edad ay may legal na konsekwensiya sa ilalim ng batas tulad ng Data Privacy Act, Cybercrime Prevention Act, at DepEd Child Protection Policy.
Sa huli, umaasa ang Bethel Academy na makikiisa ang publiko upang matuldukan ang pagpapakalat ng video.
Matatandaang ayon sa mga ulat noong Hunyo 16, pitong Grade 5 students ang sugatan matapos saksakin ng isang Grade 8 student ang classroom ng mga ito.
Batay sa pakikipag-usap ni General Trias City Mayor Jon-Jon Ferrer sa magulang ng suspek, dumaranas umano ng depresyon ang anak.