Arestado ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) ang isang 77-anyos na Canadian fugitive, sa isinagawa nilang operasyon sa San Carlos City, Pangasinan kamakailan.
Batay sa ulat na ibinahagi ng BI noong Linggo, Hunyo 21, kinilala ang pugante sa pangalang Rudolf Hannes Hofer, na wanted sa kaniyang pinanggalingang bansa dahil sa umano’y kaugnayan nito sa child sexual abuse material.
Katuwang ang government intelligent forces at ang San Carlos City Police Station, nasakote ang suspek matapos kumpirmahin ng mga awtoridad mula sa Canada ang mga impormasyong may kaugnayan sa kaniya.
Ayon pa sa imbestigasyon, humaharap si Hofer sa dalawang aktibong warrant of arrest para sa mga kasong possession of child sexual abuse material at breach of undertaking.
Overstaying na rin ang estado ng suspek sa bansa matapos itong mabigong i-extend ang kaniyang awtorisadong pananatili sa Pilipinas.
Idiniin naman ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na hindi magiging kuta o taguan ng mga pugante ang Pilipinas upang sila ay makatakas sa kani-kanilang mga kinahaharap na kaso.
“The Philippines will not serve as a sanctuary for fugitives seeking to escape accountability for serious crimes,” saad ni Viado.
Aniya, “As part of our #Shieldkids campaign, we remain committed to working closely with our international law enforcement partners to locate, arrest, and remove foreign nationals who pose a threat to public safety and the welfare of vulnerable sectors, especially children.”
Sa kasalukuyan, nakadetine na ang suspek sa Bureau’s Warden Facility, sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inaasikaso ang kaniyang deportation proceedings.