Hindi itinago ng Kapuso actress na si Kylie Padilla kung gaano niya kamahal ang kaniyang kontrobersiyal na amang si Sen. Robin Padilla sa kaniyang naging mensahe ngayong Father’s Day.
Sa isang social media post, ibinahagi ni Kylie ang kaniyang pagbati para sa ama at inaming mananatili siyang “daddy’s girl” sa kabila ng kaniyang edad at mga pinagdaanang pagsubok sa buhay.
“I love you. I’ll always be daddy’s girl. Happy Father’s Day @robinhoodpadilla,” ani Kylie sa kaniyang post.
Matatandaang ilang beses nang naibahagi nina Kylie at Robin sa mga panayam kung gaano sila kalapit sa isa’t isa. Sa mga nakaraang taon, naging bukas si Kylie sa pagsasabing isa ang kaniyang ama sa mga taong palagi niyang nalalapitan para humingi ng payo at suporta.
Noong mga panahong dumaraan siya sa mga personal na pagsubok, kabilang ang hiwalayan nila ng estranged husband na si Aljur Abrenica, hindi rin ikinaila ni Robin ang kaniyang suporta sa anak. Sa ilang panayam, ipinahayag ng senador at action star na handa siyang gawin ang lahat para sa kapakanan ng kaniyang mga anak.
Kilala rin si Robin bilang isang mapagmahal na ama na madalas magbahagi ng kaniyang pagmamalaki sa mga anak sa social media. Sa kabilang banda, hindi rin lingid sa publiko ang paghanga at respeto ni Kylie sa kaniyang ama, na itinuturing niyang isa sa pinakamahalagang tao sa kaniyang buhay.
Maki-Balita: Kylie Padilla, hindi ininsulto ang amang si Sen. Robin; gusto ng tahimik na buhay