Isang 18-anyos na estudyante ang nagtamo ng mga sugat matapos umanong masaksak ng kaniyang kapwa Grade 11 student sa loob ng Cavite National High School noong hapon ng Biyernes, Hunyo 19, 2026.
Batay sa imbestigasyon ng Cavite City Police, nag-ugat ang insidente sa matagal nang alitan sa pagitan ng suspek at ng biktima.
Bago ang pananaksak, nagkaroon umano ng hamon ng suntukan ang suspek sa isa pang mag-aaral na kaibigan ng biktima.
Nauwi sa komprontasyon ang mga estudyante nang magkita ang mga ito sa loob ng paaralan. Sa gitna ng kaguluhan, umano'y bumunot ng patalim ang suspek at inamba habang nakikipag-away. Tinamaan sa insidente ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa kaniyang braso at likod.
Agad namang namagitan ang mga guro at security guard ng paaralan upang mapahinto ang gulo bago pa ito lumala.
Rumesponde rin ang mga pulis at inaresto sa lugar ang 18-anyos na suspek. Narekober ng mga awtoridad ang isang kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa pananaksak.
Dinala muna ang sugatang estudyante sa Bautista Hospital bago inilipat sa Jose Reyes Memorial Medical Center para sa karagdagang gamutan.
Samantala, sinabi ng Schools Division Office ng Cavite City na nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad upang matiyak ang masusing imbestigasyon sa nangyari.
Inatasan din ang pamunuan ng Cavite National High School na magbigay ng psychosocial support at counseling sa mga estudyante at pamilyang naapektuhan ng insidente.
Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.
Ang insidente ay kasunod ng isa pang hiwalay na pananaksak sa isang paaralan sa General Trias City kamakailan, kung saan pitong mag-aaral ang nasugatan.
Dahil dito, nag-utos si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng yunit ng pulisya na paigtingin ang presensya ng mga pulis sa paligid ng mga paaralan at magsagawa ng mas mahigpit na seguridad upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.