Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Sabado, Hunyo 20, na nakahanda na ang milyon-milyong family food packs (FFPs) at emergency funds para sa posibleng epekto ng paghagupit ng bagyong Francisco sa bansa.
Batay sa ulat ng DSWD, aabot sa 4.7 milyong FFPs ang inihanda ng DSWD Field Offices (FOs) at ₱4.416 bilyong standby funds ang inihanda ng departamento para sa mga posibleng maaapektuhan ng bagyo.
Ayon naman kay DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) Assistant Secretary Irene Dumlao, aktibo na rin daw ang mga preparedness measures nila kaugnay dito.
"Nakaantabay po ang DSWD at ang lahat ng ating Field Offices upang agad na makapagbigay ng kinakailangang tulong sakaling may mga pamilyang maapektuhan ng inaasahang sama ng panahon. Patuloy po nating mino-monitor ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan tayo sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong kung kinakailangan," saad ni Dumlao.
Aniya, "Bukod sa ating 4.7 milyong family food packs na naka-preposition sa iba't ibang bahagi ng bansa, mayroon din pong nakalaang pondo upang makapagbigay ng agarang suporta sa mga pamilyang maaapektuhan ng kalamidad. Sisiguruhin po nating mabilis na maipararating ang kinakailangang tulong sa ating mga kababayan.”
"Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang maagap na paghahanda at mabilis na pagtugon ng pamahalaan sa anumang kalamidad, patuloy pong nakaalerto ang DSWD upang matiyak na walang pamilyang maaapektuhan ang mapag-iiwanan ng tulong. Mananatili tayong handa bago, habang, at pagkatapos ng anumang sakuna upang maihatid po ang kinakailangang serbisyo sa ating mga kababayan," dagdag pa niya.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng departamento na patuloy pa rin ang pamamahagi nila ng tulong para sa mga naapektuhan ng magnitude 7.8 lindol sa iba’t ibang parte ng Mindanao.
"Patuloy po tayong nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang partner agencies upang matiyak na mabilis na naihahatid ang kinakailangang tulong at walang pamilyang maiiwan sa ating disaster response operations. Manatili pong alerto at mag-iingat po ang lahat," pagtatapos ni Dumlao.
Batay sa 11:00 am update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Hunyo 21, patuloy na binabaybay ng bagyong Francisco—na may international name na Mekkhala—ang karagatang Pasipiko.
Muling namataan ang sentro nito sa layong 1,170 kilometro Silangan ng Timog-Silangang Luzon—na may taglay na lakas na hanging aabot sa 110 kilometro kada oras at bugsong 135 kilometro kada oras.