Pinagtibay ng Meta ang kanilang “Teen Support” features sa iba’t ibang social media platforms upang matiyak ang kaligtasan at proteksyon ng mga menor de edad sa online world.
Sa inilabas na pahayag ng Meta noong Miyerkules, Hunyo 17, binanggit na epektibo ang update sa social media platforms na Instagram, Facebook, at Messenger.
ANG UPDATED FEATURES AY BINUBUO NG MGA SUMUSUNOD:
13+ Content Settings
Ang 13+ default setting ay idinisenyo upang itago ang contents sa hindi naaakmang makita ng mga menor de edad sa platform features tulad ng feed at reels.
Kasama rin dito ang paglimita sa mga menor de edad na makipag-usap sa ibang profiles, pages, groups, at events, na nagpo-post ng mga hindi naaakmang contents.
Sa Messenger naman, ang 13+ default setting ay naglilimita sa teenagers na makapagbukas ng links na naglalaman ng mga hindi naaakmang contents, gayundin ang pakikipag-chat sa mga account na naglalabas ng mga hindi kaaya-ayang contents sa Facebook.
AI [Artificial Intelligence]-Powered Age Assurance Measures
Sa feature na ito, kasama ang pagdadagdag ng AI technology upang i-analisa ang kabuoang profile ng isang indibidwal.
Tinitingnan dito ang birthday celebrations o pagbanggit ng grado sa paaralan upang alamin kung tunay nga bang menor de edad ang may-ari ng isang partikular na account.
Kabilang din dito ang Visual analysis upang ma-scan ang mga litrato at videos sa account, upang idagdag sa pag-aanalisa ng edad ng isang account owner.
Parental Alert
Sa Instagram, makatatanggap ng notification ang mga magulang ng isang menor de edad na account owner kung ito ay paulit-ulit ang pag-search nito ng mga terminong may kaugnayan sa suicide o self-harm.
Family Center
Ang feature na ito ay nagsisilbing “one-stop shop” ng mga magulang upang mabantayan ang mga gawain ng kanilang mga anak sa Instagram, Meta Horizon, Facebook, at Messenger.