Nagbigay ng reaksiyon si showbiz insider Ogie Diaz kaugnay sa pagiging tapat ng dati niyang alagang si Liza Soberano sa kasalukuyang sitwasyon ng karera nito bilang artista sa ibang bansa.
Matatandaang sa isang episode ng “Painfully Human Podcast” ni Edward Barber kamakailan, inamin ni Liza na nasasaktan umano siya kapag sinasabihang laos na.
“When I first moved to LA, it really hurt me when people would say, ‘Oh, laos na siya. We don’t see her anywhere. Oh, laos na siya. She’s only doing these small influencer gigs,” saad ni Liza.
Pero sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Biyernes, Hunyo 19, kung saan napag-usapan ang tungkol sa naging pahayag ni Liza sa naturang podcast, binanggit ni Ogie ang kapuri-puring katangian ng dati niyang alaga.
Aniya, “Do’n pa lang sa pagiging honest ni Liza, do’n mo siya pupurihin. Sa kabila ng mga opinyon sa kaniya ng mga tao na, ‘Ay, si Liza, o. Tingnan mo laos na. Naghihirap na. E, kasi naman no’ng araw maayos [at] maganda ‘yong career niya. At sila ni Kathryn Bernardo ‘yong talagang magkalaban or magkaribal sa pagiging sikat.’”
Ngunit kung hindi naman daw pinanghihinayangan ni Liza ang ginawa nito, hindi raw maaaring kuwestiyunin ng sinoman ang naging desisyon ng aktres para sa sarili nito.
“Kung may pera siya o wala, kung pinagme-meet lang niya ang dulo sa dulo para mabuhay, that’s another story. Ang atin ngayon, ‘yong nakikita nating masaya si Liza sa kaniyang ginagawa, hindi natin siya pwedeng kwestiyunin,” saad ni Ogie.
Dagdag pa niya, “Kahit naman may mga artistang ang yaman-yaman, ang dami-daming pera, pero hindi pa rin masaya, ‘di pa rin niya natutupad ang kaniyang dreams sa kabila ng kayamanan niya, e, malungkot pa ring tao ‘yon.”
Samantala, naniniwala pa rin naman daw si Ogie na makakabalik pa rin si Liza sa Philippine showbiz sa kabila ng umano’y pagiging ungrateful nito.
Ayon sa showbiz insider, “Basta bigyan lang niya ng closure ‘yong mga taong maraming katanungan na ‘Bakit mo sinabi ‘to?’ Ganyan-ganyan. Baka pwede kang mag-apologiza kung may nasaktan ka man.”
Matatandaang inamin ni Liza sa isang panayam kay Boy Abunda noong Marso 2023 na may tampo umano siya sa dati niyang manager na si Ogie matapos siya nitong tawaging ungrateful.
MAKI-BALITA: Liza, may tampo kay Ogie Diaz: ‘It feels like he’s trying to ruin me’