June 28, 2026

Home BALITA Probinsya

Selosong mister, pinalakol sariling pinsan!

Selosong mister, pinalakol sariling pinsan!
Photo courtesy: Unsplash

Sugatan ang isang lalaki matapos umanong pagtatagain ng kaniyang pinsan gamit ang palakol sa Barangay Sawat, Urbiztondo, Pangasinan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Urbiztondo Municipal Police Station, nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek upang komprontahin ang asawa nito kaugnay ng mga usap-usapang nag-uugnay sa kanila sa isang umano’y relasyon.

Ayon sa pulisya, kapwa nakainom ang biktima at ang suspek nang maganap ang insidente. Sa oras na dumating ang biktima sa bahay, mayroon na rin umanong alitan ang mag-asawa. Kalaunan ay naibaling ang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktima.

Sa gitna ng komprontasyon, umano’y kumuha ng palakol ang suspek at inatake ang biktima. Sinubukan pa umanong tumakas ng biktima ngunit nadapa ito habang tumatakbo. Dahil dito, naabutan siya ng suspek at nasugatan sa likod at binti matapos hatawin ng palakol.

Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima upang mabigyan ng kaukulang lunas. Hindi naman agad natukoy ang lawak ng kaniyang mga tinamong sugat ngunit iniulat na siya ay nakaligtas sa insidente.

Probinsya

‘Gold Gallantry and Heroism Award,’ ng BSP, iginawad sa ‘bayaning estudyante’ sa Tacloban

Matapos ang pananaga, mabilis na tumakas ang suspek at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Ayon kay Police Major Fernand Rivera, acting chief of police ng Urbiztondo Municipal Police Station, nagsimula ang sigalot dahil sa hinala ng suspek na may relasyon ang kaniyang asawa at ang biktima.

“Ang alam ng suspek is para may relasyon itong asawa niya sa victim. Pero itong si victim, kinompronta niya [yung misis], pumunta siya doon. Although nakainom silang pareho,” ani Rivera sa media.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong detalye ng insidente at maisampa ang kaukulang kaso laban sa suspek sa sandaling siya ay maaresto.