Pinoy star studded ang ipapalabas na DreamWorks Animation film, “Forgotten Island” matapos ma-feature sa soundtrack nito ang boses ng ilang Pinoy artists at P-Pop powerhouse groups.
Ayon sa international media, ang Pinoy artists at P-Pop groups na featured sa “Forgotten Island” soundtrack ay si Broadway Diva, Lea Salonga; Katseye leader, Sophia Laforteza; Filipina-American rapper at music producer, Ruby Ibarra; Filipino-American rapper at hip-hop artist Carl Angelo; P-Pop girl group, BINI; at P-Pop boy group, SB19.
Saad pa sa mga ulat, kakantahin ng BINI ang orihinal na likhang kanta ng composers na sina Nathan Matthew David at Shawn Wasabi na “A Parallel World.”
Ang SB19 naman ay maglalaan ng kanilang cover ng “Mga Kababayan” na orihinal na likha ni Pinoy rapper at song-writer na si Francis Magalona.
Si Laforteza naman ay maglalaan ng reimagined version ng “Never Tear Us Apart” ng Australian rock band, INXS.
Habang si Ibarra ay kakanta ng kaniyang original track na “Salbahae Ako” kasama si Angelo.
Ibinahagi rin ni David na upang mas makapagdala ng “nostalgic feels” ang Forgotten Island, mayroon silang idinagdag na elemento ng 80s at 90s pop at hip-hop.
Gayundin ang musika at mga instrumento mula sa ilang indigenous tribes sa Pilipinas tulad ng chant, ang Las Piñas bamboo pipe organ, at ilang parilalang Tagalog na kakantahin ng isang Pinoy choir.
Bukod pa rito, maririnig din sa soundtrack ang mga boses ng voice actors sa animated film na sina American R&B singer, HER, at Hollywood rising star, Liza Soberano.
Ang Forgotten Island, na iikot ang kuwento sa istorya ng pagkakaibigan nina Jo (H.E.R) at Raisa (Liza Soberano), at ang kanilang pagharap sa mga mitikal na nilalang sa isla ng Nakali, ay nakatakdang mapanood sa mga sinehan sa Setyembre 25.
MAKI-BALITA: Pinoy movie-goers, excited na sa ipalalabas na Philippines-inspired na animated film